52Weeks

‘52 Weeks,’ kauna-unahang Tiktok series sa Pilipinas

July 24, 2022 Ian F. Fariñas 342 views

Matapos ang matagumpay na paglulunsad ng digital series na GVBOYS: Pangmalakasang Good Vibes at Ang Babae sa Likod ng Face Mask, na lubos na tinangkilik ng netizens, muling maglalabas ang Puregold ng isa na namang serye na magpapakilig sa mga manonood.

Ito rin ang kauna-unahang Pinoy Tiktok series na pinamagatang 52 Weeks.

Ang nasabing 36-episode digital series ay binigyang direksyon ni Lemuel Lorca mula sa produksyon ng award-winning filmmaker na si Chris Cahilig.

Pagbibidahan ito ng Tiktok superstar na si Queenay Mercado katambal ang It’s Showtime Ultimate BidaMan winner na si Jin Macapagal.

Makakasama nila ang mga baguhang aktor na sina Derick Lauchengco, itinanghal na Misters of Filipinas Second Prince, at ang kilalang Influencer na si Herbie Cruz.

“Super happy po ako na naging part ako ng series na ‘to,” pagbabahagi ni Queenay.

“Knowing na ito po ang kauna-unahang Filipino Tiktok series, I feel honored po to be cast as leading lady.”

May mahigit 12.3 million followers si Queenay sa Tiktok. Inimbitahan niya na rin ang mga ito na panoorin ang bagong serye.

Ang kuwento ng 52 Weeks ay naganap sa mala-paraisong isla ng Cagbalete sa Mauban, Quezon. Gagampanan ni Queenay ang karakter ni Mina, isang 25-year-old hopeless romantic na certified NBSB (No Boyfriend Since Birth).

Nais ng mga kaibigan ni Mina na sina Eya at Chem na maranasan ng dalaga ang magka-lovelife kaya determinado silang mahanapan siya ng potential boyfriend sa loob ng 364 araw o 52 weeks.

Ipinaliwanag ng Puregold President Vincent Co kung ano ang inspirasyon sa pagbuo ng Puregold Channel.

“As online content continues to flourish, we want to further drive Puregold retailtainment and connect with customers, old and new.”

Dagdag pa ni Co, nais nilang makapaghatid ng aliw sa mga Pilipino sa loob at labas ng stores sa pamamagitan ng makabagong paraan sa industriya ng media.

Matagpuan nga kaya ni Mina ang pag-ibig sa loob lamang ng 52 weeks? Abangan ang unang episiode ng 52 Weeks sa July 27 sa opisyal na Tiktok channel ng @puregoldph.

AUTHOR PROFILE