Bong Revilla

Sen. Bong, pagsasamahin ang Kapuso at Kapamilya stars sa 50th anniversary celebration

August 17, 2023 Vinia Vivar 190 views

Ipinagdiriwang ni Sen. Bong Revilla, Jr. ang kanyang ika-limang dekada (50th) sa showbiz industry ngayong Agosto at magkakaroon ng grand anniversary celebration na isasabay sa kanyang kaarawan sa Sept. 25.

Para sa aktor/politiko, naging napakakulay ng kanyang buhay-showbiz at labis-labis ang kanyang pasasalamat sa lahat ng magagandang blessing na ibinigay sa kanya ng Panginoon mula noon hanggang ngayon.

Sey nga niya nang makausap namin siya sa kanyang thanksgiving lunch for the entertainment press, wala na siyang mahihiling pa sa buhay.

“Palagi kong sinasabi ‘to, eh, I am so blessed. Lahat sa Panginoon, pasasalamat lang, eh. Dahil imagine, nandiyan ‘yung anak ko, abogado, abogada, doktora, tapos ‘and’yan sina Jolo, sina Bryan, nagse-serve na rin para sa bayan.

“Ano pang hihilingin ng isang Bong Revilla? Wala na, eh,” he said.

Sambit pang biro ni Sen, “Pwede na akong kunin ni Lord, anytime” sabay-tawa.

“Ibig sabihin, I’m so blessed, fulfilled, as a father, actor, as a politician, naging number one na ako nu’n (as senator), na-achieve ko na ‘yan. Napabagsak ako ng kalaban ko, bumangon ako, nakatindig ulit ako.

“’Etong career ko sa showbiz, I’m back again. I mean, mahal pa rin tayo ng tao. So, ano pang hihilingin ni Bong Revilla?” ulit niya.

Isa pang achievement na ipinagpapasalamat ng senador ay ang napakagandang pagtanggap ng mga tao sa kanyang comedy-action series na “Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis” na finale na sa Sunday, Aug. 20, 7:15 p.m., sa GMA-7.

Linggu-linggo ay mataas ang nakukuhang ratings ng show kaya naman pinaplano na ang Season 2.

Hindi lang ‘yon dahil may balak na umano itong gawing araw-araw pero wala pang kumpirmasyon.

“Nagpapasalamat ako sa GMA, sa tiwalang ibinigay nila sa ‘kin, tapos tayo ngayon, ‘eto na sa finale na. Sa lahat ng mga nanood, sumuporta, even sa mga advertiser, palaging overloaded ang ating show. Sa fans natin, sa mga supporter, maraming salamat po,” aniya.

Abangan ang bonggang 50th anniversary celebration ni Sen. Bong sa Sept. 25 na gaganapin sa Okada, Manila. Kasalukuyan na itong pinaghahandaan kaya hindi pa makapagbigay ng detalye ang aktor/politiko pero magsasama-sama doon ang Kapuso at Kapamilya stars.

Sa Sunday (Aug. 20) naman, bukod sa finale ng “Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis” ay magkakaroon din siya ng bonggang mga papremyo sa kanyang Facebook page kabilang na ang laptop, cellphone at cash prizes at 5:30 p.m.

Sa Sunday din gaganapin sa Facebook page ni Sen. Bong ang gender-reveal ng first baby nina Jolo at Angelica Alita na kasalukuyang nasa first trimester ng pagbubuntis.

AUTHOR PROFILE