Awra

Lalaking nagdemanda, handang makipag-ayos kay Awra

August 17, 2023 Vinia Vivar 213 views

Tila walang balak makipag-areglo ang lalaking nagdemanda laban sa Kamilya artist na si Awra Briguela dahil bukod sa naunang mga kasong isinampa niya ay nadagdagan pa ito ng tatlong bagong kaso.

Matatandaang sinampahan ni Mark Christian Ravana si Awra ng slight physical injuries at simple disobedience to a person in authority matapos ang insidente sa isang bar sa Makati mahigit isang buwan na ang nakakaraan.

Si Ravana ang lalaking napagtripan umano ni Awra sa The Bolthole Bar, sa Poblacion, Makati City, na humantong sa kaguluhan at pagkaaresto at pagkakulong ng teenager.

Ngayon ay tatlong karagdagang reklamo pa ang isinampal kay Awra sa Makati City Prosecutor’s Office.

Pahayag ng abogado ni Mark Christian na si Atty. Nick Nangit sa panayam ng media, “We are filing, in fact we already filed, three additional cases against Awra Briguela.”

Ang mga ito ay ang violation of Article 283 (light threats o pambabanta) under the Revised Penal Code, violation of Article 286 (Grave Coercion o pamimilit) under the RPC, at Violation of Section 11(c) in relation to Section 11(a) of the Safe Space Act (o Bawal Bastos Law).

Sabi pa ni Nangit sa ulat ng GMA News, “You know the CCTV, kumakalat yan, ‘di ba, so hinahawak-hawak siya, so there’s a violation of the private space.

“And then the second, pinasarado niya (Awra) ‘yung pintuan ng third floor, hindi puwedeng bumaba because hindi siya (Ravana) naghuhubad. So, that is already life threats.

“And then the third, nu’ng hinila siya pabalik, nahulog sila pareho, grave coercion,” ayon pa sa abogado ng complainant.

Samantala, wala raw katotohanan ang mga kuwentong lumabas sa social media na nagkaayos na ang complainant at si Awra.

“Hindi po totoo ‘yun na nagkaayos kami. Wala pong lumapit sa akin,” sabi ng lawyer.

Pero sinabi naman ni Ravana na bukas sila sa posibleng pakikipag-usap sa kampo ni Awra sa labas ng korte.

“Willing naman po kami pero sa ngayon na parang kami pa po ‘yung… kami na nga po ‘yung biktima, kami pa po ‘yung talagang nadedehado dito sa pangyayaring ito. Pero tingnan na lang po natin,” aniya.

Matatandaang pansamantalang nakalaya si Awra noong July 1 sa Makati Custodial Jail matapos magpiyansa ng P6,000.

As of this writing, wala pang inilalabas na official statement ang kampo ni Awra o ang manager niyang si Vice Ganda hinggil sa mga bagong kasong isinampa laban sa kanya.

AUTHOR PROFILE