Bongsara

Sen. Bong, nanawagan ng dasal para kay Kris … aktor-politiko, namudmod ng ayuda sa mga biktima ni Odette

January 25, 2022 Vinia Vivar 433 views

Pagkatapos ni Robin Padilla, si Senator Bong Revilla naman ang nanawagan sa netizens na ipagdasal ang kumare niyang si Kris Aquino at pakitaan ito ng pagmamalasakit.

Sa kanyang Facebook post, sinabi ng aktor-politiko na, “Sa panahong ito na dumaranas tayo ng ating kanya-kanyang pagsubok, napakahalaga po ng pakikipag-kapwa-tao at pagmamalasakit sa isa’t isa.

“We should not allow negativity to dictate our actions. We must let our compassion and humanity prevail.

“Kaya naman nananawagan po ako sa lahat na ipagdasal po ang kalagayan ng aking kumare na si Kris Aquino, na nagdadaan ngayon sa matinding pagsubok sa kanyang kalusugan — huwag na bilang isang celebrity — o isang political figure; kundi bilang isang kapwa tao na nakikipaglaban sa karamdaman.

“Get well soon Kris. Our prayers are with you.”

Speaking of Sen. Bong, habang hinihintay ang pagbabalik sa ere ng season 2 ng Kapuso series niyang Agimat ng Agila sa January 29, inikot muna niya ang mga lugar na sinalanta ng bagyong Odette.

Ang huli niyang pinuntahan ay ang Siargao at Dinagat Islands nu’ng nakaraang Huwebes, January 20.

Sa ilalim ng Kaagapay sa Araw ng Pangangailangan-Bayanihan Relief (KAP-BR), namahagi sina Sen. Bong ng food packs at yero para sa gagamiting bubong sa mga nawasak na tahanan ng mga tagaroon.

Libu-libong food packs at bigas ang ipinamigay nila, at sampung libong yero.

Itinurn-over nila ang malaking bahagi ng tulong na iyun sa Dapa Command Center at tinanggap ng Pilar Mayor Liza Resurrecion na LMP president din ng Surigao del Norte.

Natuwa ang mga taga-Siargao at Dinagat Islands dahil naroon din si Davao Mayor Sara Duterte na tinanggap din ang chairmanship ng Lakas-Christian Muslim Democrats.

Kasama rin nilang nag-ikot at namahagi ng tulong ang first nominee ng Agimat Partylist na si Bryan Revilla.

Sa Dinagat Island, sinalubong ang grupo ni Sen. Bong nina Congressman Alan Ecleo at Vice Governor Nilo Demery.

Kaagad namang na-turn-over ang mga food pack at yero.

Bitin pa raw iyun kaya nangako si Sen. Bong na ’pag nakapag-ipon siyang muli ng yero, bigas at food packs, eh, babalik siya ru’n para mabigyan ang iba pang mga kababayan na sobrang naapektuhan ng bagyong Odette.

AUTHOR PROFILE