Greta

Bashers ni Gretchen, supalpal sa doktora ng San Lazaro Hospital

January 25, 2022 Ian F. Fariñas 248 views

GteamSUPALPAL ang bashers at ang mga naghihinala na may ibang motibo ang pagtulong ni Gretchen Barretto ngayong panahon ng pandemya sa sinabi ng resident doctor ng San Lazaro Hospital na matagal na ang pagkakawangga ng dating aktres.

Isa sa mga “suki” ng kabutihang loob ni Greta ang San Lazaro frontliners at ayon kay Dra. Cherry Abrenica, “Mga 2014 o 2015 nagsimulang magbigay ng tulong ni Gretchen dito sa amin. Dinadala pa n’ya dati ang anak n’ya (Dominique) at mga pamangkin.”

Kamakailan lamang ay naghatid na naman ng ayuda ang team ni Gretchen sa nasabing ospital. May kabuuang 1,328 sacks of rice para sa buong healthcare workers ng San Lazaro ang dinala nila.

Dahil sa relasyong na-establish nina Greta at Dra. Abrenica, nagpasadya pa ang huli ng imahe ni San Lazaro na hindi raw nabibili sa kahit saang religious store bilang pasasalamat tulong at suporta ng una throughout the years.

Umaga sinimulan ng team ni Gretchen (na kinabibilangan ng close friends niyang sina Grace Medina, Francis Simeon, Rusky Fernandez ng Resorts World Manila at former actress Ana Abiera) ang pagte-turn-over ng sacks of rice kina Dra. Abrenica nu’ng Biyernes na inabot ng hapon sa dami.

Sinundan ito ng pamamahagi ng 3,406 sako ng bigas sa St. Luke’s Global, Taguig City, para sa mga frontliner, pati na ibang staff gaya ng maintenance at security personnel ng ospital.

Matatandaan na sa St. Luke’s Global na-confine at gumaling ang butihing ina ni Greta na si Mommy Inday Barretto, pati na ang mga kapatid nito nang tamaan ng Covid-19 kamakailan.

Kaya naman ganu’n na lamang ang pasasalamat ng tinaguriang “beautiful girl” at “earth angel” sa mga taga-St. Luke’s Global.

Hindi pa rito nagtatapos ang pamumudmod ni Gretchen ng mga sako ng bigas dahil kahapon, sa Philippine General Hospital (PGH) naman sila dumayo para mamigay ng 1,800 sacks of rice.

Tatlong ospital pa ang nakatakdang tumanggap ng mga sako ng bigas mula kay Gretchen at ito ay ang St. Luke’s Medical Center, National Children’s Hospital at National Center for Mental Health (NCMH).

May iba pang mga naka-line-up sa susunod na mga linggo dahil para kay Greta, lalo na ngayong panahon ng pandemya, “Love is essential.”

AUTHOR PROFILE