Default Thumbnail

Seminar sa mga opisyal ng brgy ginanap sa Hermosa

March 8, 2024 Christian D. Supnad 60 views

HERMOSA, Bataan–Nagsimula na ang unang sesyon ng Basic Orientation Course para sa mga opisyal sa barangay na itinaguyod ng Liga ng Barangay (LNB) ng bayang ito sa pakikipagtulungan ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Pinasinayaan ni Mayor Anne Inton ang seminar bilang kinatawan ni Mayor Jopet Inton sa Puntabelle Farm and Resort para sa mga bagong halal na opisyal ng barangay.

Kasama ni Mayor Anne ang ilan sa mga opisyal tulad nina Bokal Tony Roman, Vice Mayor Patrick Rellosa, mga Konsehal na sina Lou Narciso, Boyet Yandoc, Floyd Tungol, Luz Samaniego, ABC President Alfonso Cortez, Bataan Chapter LNB President Romeo Austria at Michelle Caraig, na kinatawan ni Gob. Joet Garcia.

Layunin ng seminar na bigyan ang mga dumalo ng kumpletong kaalaman hinggil sa mga patakaran, mabuting pamamahala, kaalaman sa buwis, pagbabadyet, code of conduct at mga batas na maaaring ipatupad sa bawat barangay.

“Sa sama-samang pagsisikap, patuloy nating pinapalalim ang kaalaman ng mga opisyal sa barangay upang sila ay mas makapaglingkod nang maayos at mahusay,” ani Mayor Inton.