Default Thumbnail

Santo-santo ng mga sinauna

April 4, 2023 Allan L. Encarnacion 354 views

Allan EncarnacionHUWEBES Santo ngayon huwag kayong maharot!

Dami kayang ipinagbabawal sa amin noong mga bata pa kami kapag sumasapit ang ganitong mga panahon.

Lunes Santo pa lang, masyado nang tahimik sa aming paligid noong mga bata pa kami. Wala akong nagisnang lolo na buhay kaya boses ng mga lola lang ang karaniwan kong naririnig ng nagbabawal sa amin.

Bawal na bawal kaming maghabulan, lalo na kapag Miyerkules Santo na. Hindi rin kami makapag-ingay at may matinding habilin sa Biyernes Santo, bawal maligo, bahala nang mag-amoy libag!

Iyong Huwebes Santo at Biyernes Santo ang mahigpit na bawalan sa harutan at habulan. “Hindi na gagaling ang sugat nyo kapag nasugatan kayo ng Huwebes at Biyernes Santo,” kabilin-bilinan ng lola.

Easter Sunday lang kami parang mga natubigang palaka, walang katapusang habulan, kung saan-saang ilog o irigasyon naliligo at lahat na ata ng punong manga, kayomito at bayabas ay inaakyat naming kapag Pasko ng Pagkabuhay. Hayun, may mga nahuhulog, may mga nadadapa at may mga nasusugatan.

Gumaling naman mga sugat namin kasi nga Easter Sunday na kami humarot. Hindi rin namin napatunayang hindi gagaling ang aming mga sugat kasi mga behaved kami ng buong Holy Week maliban lang sa Linggo ng kaharutan.

Dahil nga bawal kumilos, bawal lumayo at hindi puwedeng makipaghalu-bilo, sarado rin ang mga tindahan, sarado rin ang mga palengke at sarado ang lahat ng gusto mong puntahan. Bawal na bawal din kaming manirador ng ibon o mandakma ng mga palakang bukid!

Kaya kapag Huwebes at Biyernes Santo, parang Halloween ang paligid, walang katao-tao.

Dahil nga sa katahimikan ng paligid at bawal ang maingay, doon ata nasimula ang salitang “Bakit mukha kang Biyernes Santo?” kapag nakitang para kang nakasimangot sa katahimikan.

Hindi ko rin alam kung saan nagmula ito at kung sino ang nagpasimuno ng mga ganitong kasabihan or mga paniniwala. Basta kami ay mga masunuring bata lang talaga noong mga panahong iyon.

Ano kaya ang magiging reaksiyon ng mga Lola Helen at Lola Mameng ko kapag nalaman nilang hindi na nagsasara ang mga mall at marami na rin ang negosyong normal ang operasyon kahit Holy Week? Pati nga mga telebisyon at radio, off the air.

Paano kaya nila sasawayin ang mga bata ngayon na nasa amusement park kapag Holy Week?

Ano kaya ang sasabihin nila sa mga gumagalang Marites kapag nalaman nilang walang Santo-Santo sa kanilang mga misyong pagtsitsismis ng kanilang kapitbahay na nakabili ng bagong karaoke at telebisyon dahil sa kanyang sugar daddy?

Kapag pinapili ako sa pagitan ng Holy Week ngayon at Holy Week sa panahon ng aming mga lola, baka doon pa rin ako sa makalumang pananiniwala.

Iyong magkaroon ka lang ng isang linggong tahimik na paligid sa loob ng 365 days and ¼, malaking bagay na para sa mga katulad nating palaging nasa maingay at magulong mundo.

Boring ang tingin ng iba sa mga panahong iyon pero ginto pala iyon na dapat nating naingatang tradisyon ng mga matanda sa una.

Siguro sa maraming probinsiya ay makaluma pa rin ang Semana Santa. Huwag nyo iyong baguhin, huwag nyo itong sayangin. Namnamin nyo, pahalagahan nyo.

Advance Happy Easter sa inyong lahat, lalo na sa mga matatandang sa unang tulad ko!

[email protected]