Default Thumbnail

Kampeon ng Pinoy seafarers

April 5, 2023 People's Tonight 253 views

SIMULA 1987, ang Pilipinas ang pinakamalaking supplier ng seafarers sa buong mundo. Karaniwan na ang mga Pilipinong naglalayag at nagtatrabaho sa mga barko sa alinmang bahagi ng mga karagatan sa mundo.

Sa datos mula sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), hanggang noong 2022, mayroong 490,000 na Pilipinong tripulante sa iba’t ibang panig ng mundo.

Katumbas ito ng mahigit ika-apat na bahagi ng lahat ng tripulante sa buong mundo na nagtatrabaho sa domestic o foreign-flagged shipping vessels, na nag-iisang pinakamalaking nationality bloc sa global shipping industry.

Ang mga Overseas Filipino seafarers (OFS) ay nagre-remit ng average na P376.12 bilyon kada taon, na malaking tulong sa ekonomiya ng Pilipinas.

Sinabi ni Dr. Conrad F. Oca, president and chairman ng Associated Marine Officers’ and Seamen’s Union of the Philippines (AMOSUP), isa sa pinakamalaking seafarers’ unions sa mundo, na ang mga Pinoy ang pinaka-pinipiling seafarers dahil mas maganda ang kanilang training at mahusay sa wikang Ingles. May kakayahan din aniya silang matutunan ang pinakabagong paraan at uso sa kanilang propesyon, mababait din at madaling maka-adapt sa iba’t ibang kultura ng kanilang foreign counterparts sa barko kung saan sila nagta-trabaho.

Gayunman, para tuloy-tuloy na makalikha ang bansa ng world-class at globally competitive seafarers, partikular ang deck at engine officers, kailangan ng industriya ng suporta mula sa gobyerno.

Noong December 2021, ay binalaan ng European Union (EU) ang Pilipinas na babawiin ang seafarers certificates kung mabibigong tumalima sa International Convention on Standards of Training, Certification and Watchkeeping (STCW) para sa seafarers.

Sa nakalipas na audit ng European Maritime Safety Agency, nasilip ang ilang kakulangan ng bansa, gaya ng kakapusan ng training equipment at hindi pare-parehong pagtuturo at assessment.

Bunsod nito, pinaigting ng pamahalaan ang mga hakbang upang matugunan ang mga naturang kakulangan. Pinapurihan naman ng European Commission ang Pilipinas sa mga hakbang na ito, at nangako ng karagdagang technical assistance upang mapagbuti pa ang edukasyon at pagsasanay ng local seafarers.

Kaya naman nakatutuwang marinig mula kay Transportation Secretary Jaime Bautista na patuloy na kikilalanin ng European Commission (EC) ang Philippine maritime training and certification system kasunod ng pagtalima ng bansa sa STCW.

Sinabi ni Secretary Bautista na ang desisyon ng EC ay kumpirmasyon na tinugunan ng Department of Transportation (DOTr) at Maritime Industry Authority (MARINA) ang marami sa mga puna ng European Maritime Safety Agency (EMSA), kasabay ng pagbibigay diin na pinagsumikapang mabuti ng MARINA, kasama ang iba pang stakeholders na resolbahin ang findings sa EMSA final inspection report noong March 2021, maging ang assessment report ng EC noong December 2021.

Ayon kay Secretary Bautista, mahigit 49,000 Filipino marine offers at kanilang pamilya ang makikinabang sa desisyon ng EC.

Malaking bilang ng Filipino sailors ang ipinadala sa Europe, lalo na sa United Kingdom, Germany, Norway, Greece, at The Netherlands.

Mayroong 100,000 Filipino seafarers ang naka-deploy sa European flag vessels at ang kanilang deployment ay siguradong nakompromiso kung hindi nakapasa ang Pilipinas sa EC audit.

Inihayag naman ng EC na mayroon pang ilang isyu na kailangang tugunan subalit tiniyak ni Secetary Bautista sa komisyon na reresolbahin ito ng Pilipinas, sa pamamagitan ng DOTr at MARINA.

“We commit to address the remaining areas identified by EC that require further improvement,” pangako ni Secretary Bautista.

Malugod ding tinanggap ng transport chief ang alok na technical assistance ng EC upang mapagbuti pa ang implementasyon at pangangasiwa sa minimum education, training at certification requirements, pati na ang living at working conditions ng Filipino seafarers.

Ikinatuwa naman ni EC Commissioner for Transport Adina Valean ang mga hakbang ng Pilipinas upang mapaghusay ang sistema para sa pagsasanay at pagsesertipika sa seafarers, kasabay ng pagsasabing ang mga Filipino seafarers ay nagbibigay ng “significant and valued part of the European and global shipping industry’s maritime workforce.”

Bilang itinuturing na kabilang sa magagaling kung hindi man pinakamagaling na seafarers sa mundo, ang mga Filipino ay hindi dapat nalagay sa panganib na ma-blacklist kung ang gobyerno at industry stakeholders ay naging masipag sa kanilang mga tungkulin sa mga nakalipas na administrasyon.

Mabuti na lamang, sa pangunguna ni Bautista, ang DOTr AT MARINA ay gumawa ng malalaking hakbang upang makasunod sa requirements sa ilalim ng International Convention on STCW para sa seafarers.

Pinuri naman ni Secretary Toots Ople ng Department of Migrant Workers si DOTr Secretary Jaime Bautista sa kanyang pagsisikap na mapabilis ang reporma sa maritime sector.

AUTHOR PROFILE