Default Thumbnail

Salceda umaasang bibilis na ang pagbabakuna sa Albay

July 28, 2021 People's Tonight 627 views

LEGAZPI CITY — Pinasalamatan ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda ang Malacanang at Department of Health (DOH) sa mabilis nilang tugon sa nauna niyang pakiusap na dagdagan agad ang itinatalagang bakuna laban sa COVID-19 sa mga rehiyon, lalo na sa Bicol,

Ayon kay Salceda na siyang chairman ng House Ways and Means Committee, umaasa siyang bibilis na ang pagbabakuna sa Albay batay sa pangako ng DOH na magtatalaga ito ng malaking bilang ng bakuna sa kanyang lalawigan.

Nakapaloob ang pangako ng DOH sa liham nitong may petsang Hulyo 26 bilang tugon sa nauna niyang pakiusap kay Pangulong Duterte kung saan tiniyak niyand mayroon silang pasilidad na pag-iimbakan ng bakuna at kakayahang gamitin ito sa kanilang mga mamamayan upang matamo ang layuning “herd immunity.”

Sa liham na nilagdaan ni Health Undersecretary Myrna C. Cabotaje, nangako ang DOH na ipadadala nila agad sa Albay ang 187,982 ‘vaccine doses’ ngayong Hulyo. Sa naturang bilang, 108,292 ‘doses’ ang Sinovac; 50,600 ang Johnson & Johnson; at 29,090 ang Astra Zeneca – “sapat para mabakunahan ang karagdagang 15% ng mga Albayano.”

Binigyang diin ni Salceda na dahil layuning matamo ang ‘herd immunity’ ngayong taon, “umaasa kaming tatanggap kami ng mga karagdagan pang mga bakuna sa darating na Agosto at Setyembre.”

Nauna rito, tiniyak ni Salceda sa Pangulo at sa Inter-Agency Task Force (IATF) laban sa COVID-19 na sa distrito lamang niya, sapat ang pasilidad para pag-imbakan at maibakunan agad ang 190,200 ‘doses’ ng Pfizer o 312,000 ‘doses’ ng Moderna na parehong nangangailangan ng napakabang temperatura. Nasa Legazpi City, Daraga at Camalig ang naturang mga pasilidad,

Pinuri naman ng DOH si Salceda sa tulong niya sa kanyang lalawigan na napagbakuna na ng 96,633 Albayanon (una at ika-2 ‘doses’) nitong Hulyo 26. Tiniyak ng ahensiya na tatanggap ng kaukulang bakuna ang Albay mula ngayong Hulyo at sa susunod na mga buwan.”

Nauna nang nagmakaawa si Salceda na “gawing patas” ang pagtatalaga ng bakuna sa mga rehiyon gaya ng Bicol at Bangsamoro sa Mindanao na “lubhang napag-iwanan na” sa programang pagbabakuna ng pamahalaan.

Ipinaliwanag ni Salceda na co-chairman din ng ‘Defeat COVID-19 Ad Hoc panel’ sa Kamara na kaiba sa Ka-Maynilaan, masyadong magkakalayo ang mga pangkalusugang pasilidad sa mga rehiyon. “Madali sa taga-Kalookan ang pumunta sa Muntinglupa upang magpa-ospital ngunit halos imposible ito sa mga taga-Catanduanes o Masbate na pumunta sa Camarines Norte para sa ganong layunin,” dagdag niya.

Batay sa mga datus, pinuna ni Salceda na pinakamataas ang Metro Manila sa bilang ng mga nabakunahan na 26.5% na ng mga mamamayan nito noong ika-4 ng Hulyo, habang kulelat ang Bikol na may 2.73% lamang, at ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na 1.52% ng mga mamamayan nito ang nabakunahan.

“Isa sa mga layunin ng pagbabakuna ang maiwasan ang pagpapa-ospital, kaya dapat maisagawa ito sa mga lugar na napakahirap ang pagpapa-ospital. Nauunawaan ko na sadyang kailangan ang mga bakuna sa sentro ng mga negosyo gaya ng NCR, ngunit sobra namang hindi patas ang nagaganap,” madiin niyang puna.

AUTHOR PROFILE