Default Thumbnail

Salceda: Amyendahan ang ‘procurement law’

August 31, 2021 People's Tonight 347 views

Para makabili ang gubiyerno ng kasing husay na bilihin sa mababang presyo

DAPAT amyendahan ang batas sa pagbili ng pamahalaan upang makabili ang mga ahensiya nito ng kasing husay na kailangan nila sa mababang halaga kapag mataas ang presyong alok ng mga rehistradong ‘bidders’ o nagbebenta nito.

Ito ang pahayag ni House Ways and Means Committee chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda, matapos punahin ng Commission on Audit (COA) ang ilang ahensiya ng gubiyerno na bumili ng mga kailangan nila sa presyong ubod ng taas kumpara sa presyong tingi sa mga pamilihan.

“Ang problema ay kahit na makakakuha tayo ng mga kailangan sa higit na murang presyo, kapag hindi rehistrado sa ‘procurement site’ ng gubiyerno ang nagbebeta nito, hindi pwedeng bumili sa kanila ang ating mga ahensiya. Bilang panuntunan, wala itong katuturan,’ puna ni Salceda.

Sa ginawang ‘hearing’ ng House Committee on Public Accounts, iniulat ng COA na gumasta ang Department of Health (DOH) ng P11.9 milyon para sa 31 yunit ng ‘videoconferencing equipments’ o mga P380,000 bawat yunito, samantalang ito’y mabibili naman sa presyong P120,000 lamang o P260,000 higit na mura bawat isa.

“Ang tanging solusyon sa walang katuturang panuntunan ay palitan ito. Dapat hayaan ang diretsong pagbili sa tingi. Madaling isagawa sa programang ‘electronic’ ang pagsala ng mga presyo upang makita ang pinakamura para sa kailangang bilihin. Ito’y nagagawa ng karaniwang mamamayan sa pagbili tiket ng sa eroplano, mga hotel at ‘grocery.’ Bakit hindi ito magawa ng gubiyerno,?” giit ng manbabatas.

Sabi ni Salceda, dapat ding baguhin ang sistema sa pagsuma ng ‘absorptive capacity’ o kakayahan sa wastong paggasta ng isang ahensiya sa badyet nito. Sa ngayon, sabi niya, kapag nakatipid ang isang ahensiya sa isang proyekto nito, “ito’ý pinarurusahan dahil sa mababang ‘absorptive capacity and budget utilization rate’ nito.”

“Ang mga ahensiyang nakakatupad sa layunin at takdang serbisyo nito sa paraang nakakatipid sa pera ng bayan, ay dapat pahalagahan at purihin pa nga, sa halip na parusahan ng pagkaltas sa badyet niyo sa susunod na taon,” madiin niyang giit.

Ayon kay Salceda, maaaring pataasin ang antas ng serbisyo at ‘transparency’ ng Procurement Service (PS) ng Department of Budget and Management (DBM), na ang mandato ay bumili ng pangkaraniwang mga kailangan gaya ng papel, ‘electronic’ na gamit, sasakyan at tiket sa eroplano.

Ang problema puna niya, “naging ‘middleman’ ang DBM-PS o tagapamagitan ng mga ahensiya o ‘price aggregator’ na bumibili at nagbebenta ng mga kailangan nila.”

Ipinapanukala ni Salceda na magsilbi ang DBM-PS bilang isang ‘online shopping network’ kung saan ang mga negosiyante ay maaaring magbili ng mga produkto nila sa mga ahensiya ng pamahalaan.

AUTHOR PROFILE