Default Thumbnail

Robin: MTRCB tumugon sa panawagang ipagbawal ang paglabas ng ‘Plane’ sa Pilipinas

February 20, 2023 Marlon Purification 259 views

Marlon PurificationTINIYAK ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) kay Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla na hindi papayagang ipalabas sa Pilipinas ang pelikulang “Plane” na naglabas ng masamang imahe ng Pilipinas.

Ani Padilla nitong Sabado, nakuha niya ang pangakong ito sa opisyal ng MTRCB na pinamumunuan ni Chairperson Diorella “Lala” Sotto, nang nagpulong sila sa tanggapan ni Padilla sa Senado nitong Biyernes.

“Opo. Ang sabi nila sa akin, kinausap po nila ang distributor. At ngayon ang gusto natin masulatan natin ang mismong producer,” ani Padilla sa panayam sa DWIZ, nang tinanong kung may commitment ang MTRCB na hindi ipapalabas ang pelikula sa Pilipinas.

Nagpasalamat si Padilla kay Sotto sa pangako rin nito na ipatatawag ang pansin ng Philippine distributor ng pelikula. Dagdag ni Padilla, pinaliwanag niya kay Sotto kung bakit hindi ito dapat ipalabas sa Pilipinas.

Sa kanyang manifestation noong Pebrero 15 sa Senado, kinondena ni Padilla ang masamang imahe ng Pilipinas na ipinalabas ng “Plane,” at iginiit na reputasyon ng Inang Bayan ang pinaguusapan dito dahil mali ang imahe na pinapalabas ng pelikula sa pamahalaan.

Sa pelikulang “Plane,” ang bida ay nag-crash sa Jolo na diumano’y kontrolado ng rebelde – at wala na raw dito ang pwersa ng pamahalaan.

Ipinunto din ni Padilla na kung kailan binubuhay muli ang ating turismo matapos ang pandemya, maling imahe ng Pilipinas ang pinalabas ng “Plane” tulad ng kontrolado na raw ng rebelde at terorista ang Jolo, at ang ating kasundaluhan ay nagtatago na bahag ang mga buntot.

Nagalit din si Padilla sa eksenang mga civilian daw sa Jolo ay nagti-tip sa mga terorista kung saan ang mga foreigner.

“Sabi ko sana kung pinandigan na lang ng pelikulang ito na fiction lang siya, hindi na nila nilagay ang Pilipinas,” aniya.

Sa isang panayam sa SMNI nitong Biyernes, iginiit din ni Padilla na hindi siya pwedeng hindi magreklamo dahil siya ang tagapangulo ng Senate Committee on Public Information and Mass Media.

Tinugon din ni Padilla ang mga “kritiko” na nagkukwestyon sa pagsalita niya laban sa maling imaheng pinalabas ng pelikula.

“Hindi tayo pwedeng manahimik dito. Ang panawagan ko sa inyo, pagdating sa oras na ang bayan natin ay inaalipusta at minamaliit, huwag natin ipagtanggol ang dayuhang ito. Nasaan ang ating pagiging makabayan pag ganitong oras na ang ating imahe ay minamaliit?” aniya.

Nais din ni Padilla na bigyan ng mandato ang MTRCB na magkaroon ng guidelines na hindi papayagan ang paglabas ng pelikulang maaaring makasira sa imahe ng Pilipinas. “Ang condition, huwag sirain ang bansa natin,” aniya.