Robin, ’di natitinag sa numero uno
Overwhelming talaga ang resulta ng boto ni Robin Padilla sa katatapos lamang na eleksyon.
Talagang ’di siya natinag sa pagiging number 1 sa listahan ng senatoriables mula sa umpisa pa lamang ng bilangan hanggang sa isinusulat namin ang item na ito.
As we write ay nasa mahigit 97% na ang unofficial at partial na bilangan at nangunguna pa rin si Binoe with more than 26 million votes.
Sa panayam ni Binoe kay Jessica Soho, ayon sa aktor, hindi rin niya ito inaasahan lalo pa nga’t wala siyang makinarya at pondo para sa kampanya.
“Wala po akong inaasahan kahit ano. Unang-una, wala po akong kahit ano. Wala po akong makinarya, wala po akong kahit ano… pera. Wala. Hindi ko po inaasahan ito.
“Ang akin lamang po ay paninindigan. Ang akin lamang po ay nananalig po ako sa Panginoong Diyos at tulung-tulong lang po ng mga naniniwala sa akin.
“Tulong ng katipunan, tulong ng mga rebolusyonaryo. ’Yun lang po, wala akong inaasahan,” pahayag ni Binoe.
Nang tanungin kung ano ang naging dahilan ng pagiging number one niya sa laban, aniya, “Naniniwala po ako na ’yung plataporma ko na Charter change, ’yung federalismo, ’yung pagbibigay ng kapangyarihan sa mga lalawigan, bigyan sila ng kalayaan, sila po ay makagawa ng ayon sa kanilang kultura, tradisyon, kapaligiran, du’n po ako naniniwala.
“Hindi po ako nangungumbinsi nang dahil kay Robin Padilla. Malabo pong mangyari.”
Nagpasalamat ang aktor sa lahat ng bumoto sa kanya at nangakong tutuparin ang mga inilatag na plataporma.
“Ako po ay nagpapasalamat sa lahat po ng mga nagtiwala sa atin. Sa lahat po ng lumabas, bumoto para po sa akin, at naging matagumpay po ang eleksyon na ito.
“Ang pakiramdam ko po ay masaya, siyempre po, pero mas higit po ’yung responsibilidad na nakaakibat po sa atin sapagkat alam ko naman po, batid ko naman po na itong tagumpay na ito, hindi po ito patungkol kay Robin Padilla kundi tagumpay po ito ng reporma.
“’Yun pong ating ipinaliwanag na patungkol po sa pagpapalit ho ng Saligang Batas, ’yung Charter change. ’Yun po ang plataporma natin na inihayag sa taumbayan,” he said.
Nagpasalamat din ang misis niyang si Mariel Rodriguez sa Instagram account niya.
“My Senator is #1. we are beyond grateful!!! Pilipinas, maraming maraming salamat,” post ni Mariel.