Default Thumbnail

Road clearing tuloy sa Divi, Sta. Cruz, Quiapo

December 21, 2022 Edd Reyes 243 views

APAT na araw bago sumapit ang Pasko, tuloy-tuloy pa rin ang pagsasagawa ng road clearing operation ng mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at ng Department of Public Service (DPS) sa Divisoria at mga kalsadang malapit sa mga shopping center sa Sta Cruz at Quiapo.

Isinasagawa ang puspusang paglilinis ng mga sagabal sa lansangan tulad ng illegal parking at iba pang kuyagot matapos mapuna ni Mayor Honey Lacuna-Pangan na bumibigat ng todo ang daloy ng trapiko sa mga lansangan, hindi lang dahil sa dumami ang bilang ng mga sasakyan kundi dahil patuloy ang pagdagsa ng mga mamimili sa mga tindahan sa Divisoria, mga mall at iba pang shopping centers ngayon malapit na ang Pasko.

“Kailangan talagang mai-clear namin ang mga lansangan at bangketa dito sa Divisoria sa mga illegal na sasakyang nakaparada at iba pang mga sagabal para maging maluwag kahit papaano ang daloy ng trapiko at may malakaran ang napakaraming mga mamimili,” pahayag ng isang attendant ng MTPB sa isang panayam.

Napagalaman na pinayagan na rin ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang maraming stalls sa Juan Luna at iba pang side streets na pinahihintulutan ang pagtitinda sa Divisora na makapag-bukas ng 24-oras, kabilang na ang Tutuban Center upang magkaroon ng mahabang pagkakataon ang mga umuuwi ng hatinggabi mula sa kanilang trabaho na makapamili ng murang halaga ng mga panregalo sa kanilang mga mahal sa buhay sa araw ng Pasko.

Gayunman, mahigpit ang tagubilin ni Mayor Lacuna-Pangan sa mga may-ari ng stalls at shops na maging responsable sa kalinisan sa kanilang lugar dahil tiyak na may mga basurang naiiwan ang mga mamimili bagama’t mayroon na ring itinalagang mga street sweepers sa Divisoria sa DPS Officer-in-Charge Kayle Nicole Amural upang maglinis sa kapaligiran at hindi magkaroon ng mabahong amoy.

“Mayroon pong itinalaga rito na mga panggabing street sweepers, kami po, sa umaga naman naglilinis pero madalas, konti na lang ang naiiwang basura dito kasi tumutulong din sa amin ang mga store owners,” pahayag ng isang street vendors.

AUTHOR PROFILE