Edd Reyes

Retired Police Insp. Benny Go, hinangaan sa estilo ng panunungkulan

March 6, 2024 Edd Reyes 172 views

HINDI na siguro mabubura ang iniwang bakas ng kakaibang estilo ng panunungkulan ni Insp. Benny Go sa Caloocan Police Station na hinangaan, hindi lamang ng kanyang mga naging tauhan, kundi maging ng mga matatas na opisyal na kanyang napaglingkuran.

Halos 14 na taon na matapos magretiro si “Sir Benny” kung tagurian ng kanyang mga malalapit na kaibigan at mga naging tauhan pero nananatiling sariwa sa kanilang alaala ang mga hindi malilimutang pangyayari na siya lamang yata ang nakagawa noong aktibo pa sa serbisyo.

Classic nga raw ang ginawa niyang pag-raid na mag-isa sa isang dating sikat na night club sa Caloocan na solo niyang isinagawa matapos masaksihan ang malalaswang palabas na nagresulta sa pagkakasagip niya sa mga menor-de-edad na kababaihan na maagang nasadlak sa putikan.

Kinasuhan ni Sir Benny ang namamahala sa club kahit pa nga may mga opisyal na nagtangkang umarbor dito dahil malinaw na may mga paglabag ang establisimiento sa umiiral na ordinansa.

Ang isa pa raw sa kakaibang estilo ni Sir Benny ay hindi siya nangingiming kasuhan ang mga taong kanyang hinuhuli kapag ay matibay at mabigat ana ebidensya ng pagkakasala kahit pa pumagitna pa ang matataas na opisyal o ang kanya mismong superior at kase-hoda sa kanya kung tanggalin siya sa puwesto lalu’t batid niya na naaayon sa batas ang kanyang ginagawa.

Pero hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay malupit sa mga huli si Sir Benny lalu na sa mga first offender kaya sa halip na dumami ang kaaway, dumadami pa ang kaibigan na bilib sa kakaiba niyang estilo.

Hindi naman kasi matatawaran ang malawak na kaalaman sa batas ni Sir Benny dahil kumuha siya ng kursong abogasya bagama’t hindi niya naasikaso ang pagkuha ng bar dahil sa dami ng gawain bilang police official.

Kaya hanggang ngayon ay ginagamit niya ang kaalaman sa batas sa pagtulong sa mga kaibigan at kakilala na nangangailangan ng legal opinion at may mga pagkakataon pa na siya mismo ang gumagawa sa mga pleadings at petition na inihahain sa hukuman lalu na doon sa mga kaibigan niyang walang kakayahang bumayad ng abogado.

Kongreso, nais tuldukan ang mga ilegal na sugal

LAGOT kay ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo, hindi lang ang mga operator ng illegal gambling, kundi maging ang mga regional director ng Philippine National Police (PNP) na hiniling niyang imbitahan sa ginagawang pagsisiyasat sa talamak na illegal gambling operation sa mga lalawigan.

Nakatutok lang kasi ang imbestigasyon ng House Committee on Public Order and Safety na pinamumunuan ni Sta Rosa, Laguna Rep. Dan Fernandez sa talamak daw na illegal gambling sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon o CALABARZON kahit pa nagsumite na rin ng kanilang accomplishments si P/BGen. Paul Kenneth Lucas ang Director ng Police Regional Office (PRO) 4A o ang Calabarzon area, bukod pa sa accomplishments ng pamunuan ng PNP.

Pero alam din ni Rep. Tulfo na hindi lang ang mga regional directors ang dapat sisihin sa talamak na ilegal na sugal sa isang lalawigah dahil kung hindi ito pahihintulutan ng mga nakaupong pulitiko sa mga lungsod at munisipalidad, hindi makakaporma ang mga illegal gambling operator, maliban na lang sa mga “guerilla style” o yung isinusugal din ang kanilang operasyon laban naman sa police operation.

Sabi nga ni Rep. Tulfo, bata pa raw siya ay may mga jueteng, bookies, pergalan at iba pang uri ng ilegal na sugal at ilang ulit na ring nagsagawa ng imbestigasyon dito ang Senado at Kongreso pero hanggang ngayon ay talamak pa rin ito, lalu na sa mga lalawigan.

Sana raw ay magkaroon na ng magandang resulta ang on-going investigation ng Kongreso sa illegal gambling activities sa buong kapuluan para may kahihinatnan naman ang malaking pondong inuubos dito para lamang makalikha ng wastong batas.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE