Default Thumbnail

Requirement para magkaroon ng driver’s license tinanggal ng LTO

April 16, 2023 People's Tonight 360 views

HINDI na oobligahin ng Land Transportation Office (LTO) na sumalang sa karagdagang medical examinations ang mga may driver’s license na may bisang lima at sampung taon.

Kasunod ito ng direktiba ni LTO Chief Jay Art Tugade na amyendahan ang LTO Memorandum Circular 2021-2285 o ang Supplemental Implementing Rules and Regulations of Republic Act 10930.

Nakasaad sa nasabing memorandum, na bukod sa regular medical examination bilang requirement sa pagkakaroon ng bago o renewal ng driver’s license, obligado pa ring sumalang sa periodic medical exam (PME) ang nabigyan ng 5-taon at 10-taong validity o bisa ng lisensya ng pagmamaneho. Ito ang probisyong pinababago ngayon ni LTO Chief Jay Art Tugade.

Minabuti ng ahensya na hindi na obligahin pa ang mga driver na sumailalim sa naturang periodic medical examination dahil wala naman itong silbi, batay na rin sa ginawang pag-aaral, mga nakalap na datos at pag konsulta sa mga eksperto.

Lumabas sa mga datos na ang hindi pagsalang sa periodical medical examination ay hindi naman magiging sanhi ng pagdami ng aksidente sa lansangan.

“There’s no empirical data saying that the periodal medical examination could prevent road crashes,” ayon kay LTO Chief Tugade.

Dahil sa amyendang ito ang magiging bagong kalakaran na ngayon ay isang beses na lang ang mandatory medical examination at ito ay gagawin lang tuwing bago makakuha o makapag-renew ng driver’s license.

“For licenses who will be issued a 5-year validity driver’s license and 10-year validity driver’s license, the medical examination shall only be required sixty (60) days prior to or on the specified renewal date,” saad ng memorandum ni LTO Chief Tugade.

Para naman sa mga Pilipinong may driver’s license na nagtatrabaho o nakatira sa ibang bansa, oobligahin ang pagsasalang sa kanila sa medical examination sa loob ng tatlumpung araw mula ng dumating sa Pilipinas bago sila mapayagan na makapagmaneho.

“Kami sa LTO ay naniniwala na ang hakbang na ito ay magdudulot ng bahagyang ginhawa sa publiko dahil bukod sa hindi na sila kailangang gumastos ng paulit-ulit para sa medical examinations, maiiwasan din ang dagdag-abala lalo na sa mga mahahalaga ang oras para sa trabaho.

Nasa pagkukusa na lang ngayon ng bawat indibidwal kung nanaisin nilang sumalang sa medical examination,” pahayag pa ni Tugade.

AUTHOR PROFILE