QCD1 Rep. Arjo Atayde dumalo sa MIPCOM Cannes
BILANG vice-chair ng Creative Industry and Performing Arts Committee ng 19th Congress, dumalo sa MIPCOM Cannes sa French Riviera si Quezon City District 1 (QCD1) Representative Arjo Atayde para sa espesyal na screening ng pilot episode ng Cattleya Killer, ang kauna-unahang international na serye na prinodyus ng ABS-CBN International Productions at ng Nathan Studios Inc.
Ang MIPCOM Cannes ay ang pinakamalaking merkado ng content sa buong mundo at bahagi ng mga responsibilidad ni Atayde bilang vice-chair ng komite ay ang pag-promote ng mga pelikula at seryeng Pinoy sa globalcommunity.
Ito ang unang pagkakataon kung saan ipapalabas ang isang proudly made Filipino series sa mga industry decision makers upang makakuha ito ng global distribution partner.
Ang Cattleya Killer ay ang unang mainstream starring role ni Atayde mula ng ito ay magwagi sa Congressional race sa Unang Distrito ng Quezon City noong May election.
Mula noon, mahigit na 41 bills na ang naiakda ni Atayde, kasama na dito ang HB 457 na naglalayong i-deklara ang Quezon City bilang Film and TV Arts capital ng bansa at pati na rin ang HB 459 na isang bill ukol sa occupational safety ng mga artists at mangagawa sa sektor ng pelikula at telebisyon.