Video

Pulis vinideo pakikipag- sex sa bebot, inireklamo

March 17, 2024 Melnie Ragasa-limena 155 views

NAHAHARAP sa patong-patong na reklamo ang isang mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) matapos umanong kuhanan ng video ang kaniyang pakikipagtalik sa nakarelasyong babae at ipinadala ito sa anak at asawa ng biktima.

Inireklamo ng unjust vexation, intriguing against honor, online libel at grave coercion, at paglabag sa Data Privacy Act of 2012, Safe Spaces Act at Cybercrime Prevention Act of 2012 sa Quezon City Prosecutor’s Office ang 52-anyos na police colonel na may asawa.

Ayon sa complainant na isang businesswoman, nakilala niya ang suspek noong December 2020 sa social media platform na Facebook Messenger.

Sa nasabi ring taon ay may kinakaharap umano na problema ang complainant at ang kaniyang asawa.

Nagpakilala umano ang suspek na isang police colonel at attache diplomat sa Pakistan.

Sinabi ng biktima na mayroon siyang patahian at gumagawa ng PNP uniform kaya nagpagawa umano ang suspek sa kaniya ng nameplate.

Ayon sa biktima, naging kapalagayan niya ng loob ang suspek dahil umano sa kabaitan nito at pinayuhan pa umano siya nito na ayusin ang problema nilang mag-asawa.

Nagtiwala umano siya sa suspek dahil madalas umano itong magbanggit ng mga salita ng Diyos sa tuwing maguusap silang dalawa.

Nasundan ito ng pagkikita nila sa isang mall sa Cubao kung saan inabot umano niya sa pulis ang nameplate na pinagawa nito.

Naging madalas umano ang paguusap nila at naging business partner pa niya.

Nang sumunod na pagkikita nila ay sinabi umano ng pulis na may pupuntahan silang restaurant ngunit laking gulat niya dahil dinala umano siya sa isang hotel.

Dahil umano sa kaguluhan ng isip ay pumayag ang biktima na magtalik sila ngunit hindi niya inakala na ni-record umano ang namagitan sa kanilang dalawa.

Kinompronta umano ng biktima ang suspek at sinabihan umano siya na “just for fun” lang.

Pilit umanong inagaw ng biktima ang cell phone para burahin ang video ngunit ayaw umano ng suspek at pinagtaasan pa siya ng boses at sinabi na siya na lang ang magbubura.

Sa buong taon ng 2021 ay makailang beses pa umano silang nagkita ng suspek at doon nagsimula ang pananakot at pagbabanta nito na kapag nakipaghiwalay siya ay ipapadala niya ang video sa kaniyang asawa.

Dahil sa takot ay naging sunud-sunuran umano ang biktima sa mga pinapagawa ng pulis.

Hindi pa nakuntento ay nangutang pa umano sa kaniya ang suspek ng makailang beses. Nababayaran naman umano siya nito ngunit pahirapan umano.

Noong Enero 16, 2023, ay may nag-comment umano sa Facebook page ng biktima at nagpakilala na asawa umano ng suspek.

Ayon sa nasabing asawa, nakita niya ang sex video ng biktima at ng pulis. Minura umano siya nito.

Nang araw ding iyon ay pinadala ng nasabing asawa ang naturang sex video sa FB Messenger ng anak na babae ng biktima na isang menor de edad.

Kinabukasan ay nag-send din sa asawa ng biktima ng mga screenshots mula sa nasabing video.

Sa sobrang takot at kahihiyan ay naisipan umano ng biktima na magpakamatay ngunit napigilan siya ng kaniyang anak at asawa na pinili siyang pakinggan at unawain.