Nahulog Ina-assist ng mga tauhan ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office ng Lungsod ng Maynila ang babaeng nakahandusay sa kahabaan ng Quezon Blvd., Recto underpass, matapos mahulog ito mula sa ibabaw ng tulay.

NAHULOG SA UNDERPASS, BUHAY!

March 17, 2024 Jonjon Reyes 90 views

NAGTAMO ng bali sa katawan at sugat sa ulo ang isang babae matapos na mahulog ito sa bahagi ng southbound ng underpass sa C. M. Recto, Quezon Boulevard, umaga ng Linggo.

Nakilala ang biktima batay sa kanyang Bureau of Internal Revenue identification card at tinatayang nasa edad 20 pataas at napag-alamang nakatira sa Kabulusan, Caloocan City.

Ang biktima, na nakasuot ng itim na damit at pantalon, ay nagtamo rin ng sugat sa ulo mula sa kaniyang pagkakahulog mula sa ibabaw ng tulay.

Umabot din ng ilang oras na proseso ang ginawang pag-rescue ng mga first responders ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa lugar bago maingat na nailagay sa strecher at maialis sa kalsada, tsaka dinala sa ospital ang babae.

Nagdulot din ng pagbagal ng daloy ng trapiko ang insidente sa kahabaan ng Quezon Boulevard, lalo na sa mga sasakyang patungo ng Quiapo mula sa Central Market, bukod pa sa mga nag-usyoso sa naturang lugar.

Agad namang nagmando ang mga kapulisan ng Manila Traffic Enforcement Group, kasama ang mga operatiba ng Manila Police District (MPD) Police Community Precinct Plaza Miranda Station 3, sa pamumuno ni Police Capt. Rowel Robles.

AUTHOR PROFILE