Pulis tumama sa center island, dedo

March 28, 2022 Jonjon Reyes 162 views

ISANG bagitong pulis ang namatay matapos maaksidente sakay ng kanyang motor at nabagok ang ulo nito sa gutter ng center island sa Port Area, Maynila Lunes ng madaling araw.

Kinilala ni Manila Police District (MPD) Director P/Brigadier General Leo “Paco” Francisco ang biktimang si Patrolman John Rudolf Cruz, 24-anyos, binata ng Prk Matias, Talavera, Nueva Ecija at naka-assign sa Aviation Security Group.

Batay sa nakuhang report ng Manila District Traffic Enforcement Unit, bandang 1:00 ng madaling araw, nang maganap ang aksidente sa southbound lane ng Mel Lopez Boulevard, Anda Circle sa Port Area.

Sakay ng Yamaha XSR 155 na kulay itim nang mawalan ito ng kontrol at nagpagewang-gewang saka ito humampas sa center island.

Ayon sa saksing si Nords Dading, 33, isang trike driver, habang tinatahak ng biktima ang southward bound sa Mel Lopez Boulevard pagsapit sa harap ng LBC, dito na umano nawalan ng kontrol ang pulis sa motor, na nagresulta sa pagtama ng ulo nito sa semento matapos sumemplang.

Isang ambulansiya ng NHQ (National Headquarters) ng Red Cross ang nagsugod sa pulis sa Ospital ng Maynila, subalit dakong 2:30 ng madaling araw ay idineklarang patay na ang biktima ni Dr. Ed Paulo Halili.

Gayunman, ang bangkay ng biktima ay pansamantalang inilagak sa morgue ng naturang ospital at inaalam kung ito’y nakainom ng alak bago maganap ang aksidente. Nina Jon-jon Reyes at C.J Aliño

AUTHOR PROFILE