Pulis

Pulis sa checkpoint tumulong sa pagpapaanak

March 21, 2022 Jonjon Reyes 333 views

MATAGUMPAY na nailuwal ng isang 27-anyos na ginang ang kanyang sanggol sa tulong ng isang Pulis-Maynila na nagsasagawa ng checkpoint kamakalawa ng hapon sa Pandacan, Maynila.

Habang nagsasagawa ng checkpoint ang mga pulis sa harap ng Plaza Balagtas, agad na umaksyon ang isa sa tauhan ng Manila Police District-Pandacan Police Station 10 sa Maynila, Linggo ng hapon para tulungan ang buntis na kasambahay na tuluyang magsisilang na pala.

Kinilala ang “bayani” na si P/Cpl. Burt Benson Abad at isa ring rehistradong nurse na siyang agad na sumaklolo at nagtungo ito sa tahanan ng ginang sa Flerida St., Pandacan, pasado alas-4:27 ng hapon, makaraang humingi ng tulong ang amo ng buntis na kasamabahay sa himpilan ng MPD-Station 10 at pinadala agad ni PLt.Col. Dennis Villanueva Rodriguez si Cpl. Abad upang umasiste.

Eksaktong alas-4:30 ng hapon, nang mairaos sa “normal delivery” na panganganak ng ginang na kasambahay.

Matapos nito, agad namang dinala ang bagong mag-ina sa Manila Doctors Hospital upang malapatan ng karampatang gamutan ang dalawa.

Napag-alaman din na pangalawang panganganak na ito ng ginang.

Pinuri naman ni MPD-Director P/Brig. Gen. Leo “Paco” Francisco ang kapulisan ng Pandacan sa aksyong ginawa nina Cpl. Abad at PLt. Col. Rodriguez bilang isang “kabayanihan” at bibigyang parangal ng “Sertipiko ng Papuri” ng MPD Headquarters. Nina Jon-jon Reyes at C.J Aliño

AUTHOR PROFILE