Crime

Pulis patay sa motor; kamay bali, binti putol

July 24, 2023 Dennis Abrina 249 views

GENERAL TRIAS CITY, Cavite — Patay on the spot ang isang pulis na nakatalaga sa Camp Crame sa Quezon City matapos itong tumilapon sa minamanehong motorsiklo habang binabagtas ang kahabaan ng secondary road sa Lancaster, Brgy Navarro, Linggo, July 23, 2023.

Nabali ang kamay at naputol umano ang binti ng biktima na nakilalang si Police Corporal Christopher James Sabanal Gutierrez, nasa hustong gulang, miyembro ng PNP na nakatalaga sa PNP Cybercrime Group, Camp Crame, at residente ng Lungsod ng Caloocan.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, alas-2:00 ng hapon nang mangyari ang insidente.

Nakasakay ang biktima sa kanyang itim na Yamaha NMAX para sa registration plate sa nasabing lugar.

Biglang liko ang motorsiklo ng biktima na naging sanhi ng pagkadulas nito.

Nahulog ang pulis at tumama sa poste sa gilid ng kalsada.

May posibilidad na sobrang bilis ng takbo ng biktima at nang madaanan ang kurbada ng kalsada ay hindi na nito nakayanan na mag- menor, kaya napatalon ito at natamaan ang poste.

Naputol umano ang binti at nabali ang kamay ng biktima sa lakas ng impact.

Agad isinugod sa ospital ang nasabing pulis ngunit idineklara itong dead on arrival.

AUTHOR PROFILE