Default Thumbnail

PRRP-3 inirekomenda sa ‘delinquent’ employers – SSS

August 3, 2022 Christian D. Supnad 414 views

OLONGAPO CITY – Iniaalok ng Social Security System o SSS at ang Olongapo branch nito sa mga employer na hindi nakakapaghulog ng regular sa contributions ng kanilang mga empleyado ang paggamit ng “Pandemic Relief and Restructuring Program” o PRRP-3.

Ayon kay SSS Olongapo Acting Branch Head Marites Dalope, ito ay isang “condonation program” ng ahensiya upang matulungan ang mga “delinquent” employer na makabayad ng lahat ng hindi naihulog na kontribusyon ng kanilang mga manggagawa.

Sa isinagawang “Run After Contribution Evaders” operation, sinadya ng mga opisyal ng SSS ang anim sa 3,089 delinquent employer upang paalalahanan at ialok ang PRRP-3.

Target mahabol ang nasa kabuuang P197.84 milyon na hindi naihuhulog na kontribusyon kung saan may 20,066 na mga mangagawa ang makikinabang dito.

Aniya, simula nitong nakaraang Mayo ay mayroon pa lamang kabuuang P61.21 milyon ang nakolekta na sa delinquencies.

Ipinaliwanag naman ni SSS Luzon Central 2 Division Vice President Gloria Corazon Andrada na sa ilalim ng programang ito, maaaring bayaran ng mga delinquent employer ng installment ang mga hindi naihuhulog na kontribusyon.

Kailangan lamang nilang magsumite ng aplikasyon para magamit ang PRRP-3 hanggang Nobyembre 21, 2022.

Binigyang diin din ni Andrada ang kahalagahan ng regular na pagbabayad ng kontribusyon upang mapakinabangan ang mga benepisyong handog ng ahensiya.

Sa kasalukuyan, may pitong pangunahing benepisyo ang ipinagkakaloob ng SSS sa mga miyembro nito sa panahon ng kanilang panganganak, pagkawala sa trabaho, pagkakasakit, pagkabaldado, pagreretiro, pagkamatay, at paglilibing.