Lim

Private parking sa public spaces sa Maynila ipinabubusisi

May 26, 2024 Edd Reyes 86 views

PINABUBUSISI ng konsehal sa Maynila ang umano’y kasunduang inaprubahan ng lokal na pamahalaan at pribadong indibiduwal para magamit bilang personal niyang parking space ang lansangan.

Sa inihaing resolusyon ni District 1 Councilor Moises Lim, hiniling niya sa Committee on Ways and Means at sa Committee on Transportation ng Sangguniang Panlungsod na imbestigahan ang memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng pamahalaan at pribadong sektor para magamit ang lansangan ng pribadong indibidwal.

Taliwas aniya ito sa Executive Order No. 7 ni Mayor Honey Lacuna-Pangan na paglikha ng isang inter-agency task force na ang tungkulin linisin sa anumang sagabal ang mga pampublikong lansangan at kasuhan ang mga lalabag sa kautusan.

Wala rin aniya siyang matandaan na may inaprobahang MOA ang konseho sa pagitan ng lokal na pamahalaan ang pribadong indibidwal dahil ilegal ito.

Inihain ni Councilor Lim ang resolusyon matapos na personal niyang maranasan na masita at mistulang na-bully pa ng pribadong indibidual nang iparada niya ang kanyang sasakyan sa Sanchez St. na sakop ng District 2 sa Tondo.

Pagbalik ni Lim sa kanyang sasakyan, hindi na siya makaalis dahil hinarangan siya ng isa pang sasakyan na pag-aari ng hindi na binanggit na pangalan ng tao na nanggalaiti sa galit dahil ipinarada niya ang sasakyan sa kanyang parking space.

Sinabi umano ng may-ari ng nakaharang na sasakyan na nakuha na niya sa pamamagitan ng MOA sa lokal na pamahalaan ang parking space ng kalsada kaya’t hindi ito puwedeng paradahan ng ibang sasakyan.

Naayos lang ang gusot at nakaalis sa lugar si Councilor Lim nang mamagitan ang ilang tauhan ng Manila Parking and Traffic Bureau (MTPB).

Sa kanyang resolusyon, sinabi ni Lim na hindi lamang sa Sanchez St. may pribadong parking space na inaangkin ng pribadong indibiduwal kundi sa iba pang mga lansangan sa Maynila.

Inaprobahan naman ng lahat ng miyembro ng Sangguniang Panlungsod na pinamumunuan ni Vice Mayor Yul Servo Nieto bilang Presiding Officer ang inihaing resolusyon ni Lim habang itatakda pa kung kailan gaganapin ang pagdinig.

AUTHOR PROFILE