
PERA AYUDA SA 21 PINOY NA SEAFARER

Kuha ni ROY PELOVELLO
Speaker Romualdez, Rep. Yedda Romualdez nagbigay ng tig-P150K sa 21 Pinoy seafarer na nailigtas sa barkong inatake ng rebeldeng Houthi
NAGBIGAY ng tig-P150,000 financial assistance sina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at misis nitong si Tingog Party-list Rep. Yedda Marie K. Romualdez sa 21 manlalayag na Pilipino na nailigtas mula sa MV Tutor na inatake ng missile ng rebeldeng Houthi sa Red Sea.
Ang cash assistance na may kabuuang halaga na P3.15 milyon ay mula sa personal calamity fund ng mag-asawang Romualdez, ayon kay Tingog Party-list Rep. Jude Acidre.
“As instructed by President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., Speaker Romualdez and his wife, Rep. Yedda Romualdez, are working hard to provide relief and support to our seafarers,” ani Acidre, na sumalubong sa mga tripulante sa kanilang pagdating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal III upang personal na iabot ang tulong.
Ipinahayag naman ni Speaker Romualdez ang pasasalamat nito sa ligtas na pag-uwi sa bansa ng mga tripulanteng Pinoy, kasabay ng pagkilala sa mabilis na pag-aksyon ng pamahalaan sa naganap na pag-atake.
“We are deeply relieved that our brave seafarers are coming home safe. This assistance is a token of our gratitude for their courage and resilience during this harrowing ordeal,” ayon sa pinuno ng Kamara na may higit sa 300 kinatawan.
Binigyan-diin naman ni Rep. Yedda Romualdez ang pangangailangan na mabigyan ng suporta at proteksyon ang mga manggagawang Pilipino na siyang pundasyon ng bansa sa pandaigdigang lakas paggawa.
“Our seafarers are our modern-day heroes, and it is our duty to ensure their welfare,” ayon kay Rep. Yedda Romualdez.
Dagdag pa niya, “This cash assistance from our personal funds aims to help them and their families as they transition back home. We stand by them and are committed to providing the necessary support.”
Tiniyak din ni House Deputy Secretary General Sofonias “Ponyong” P. Gabonada Jr. na pinagsisikapan din ng Office of the Speaker na magbigay ng karagdagang tulong mula sa gobyerno para sa mga pamilya ng mga nailigtas na marino.
Kabilang dito, ayon kay Gabonada, ang livelihood assistance sa pamamagitan ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP).
Gayundin ang pagbibigay ng P10,000 cash aid para sa mga kuwalipikadong pamilya ng mga nailigtas na seafarer sa ilalim ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng DSWD, at 20-araw na emergency employment sa ilalim naman ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Dagdag pa ni Gabonada, tatanggap din ang mga kuwalipikadong miyembro ng pamilya ng mga manlalayag ng educational assistance sa ilalim ng Tulong Dunong Scholarship program ng Commission on Higher Education.
Ang mga karagdagang tulong ay irerekomenda sa mga kaukulang tanggapan ng pamahalaan para sa agarang aksyon, makaraan ang proseso ng pagsusuri at pagpapatunay.
Biyernes ng gabi nang mailigtas ang 21 tripulanteng Pinoy alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Marcos, matapos ang pag-atake ng Houthi rebel group sa barko habang naglalayag ito sa Red Sea noong Miyerkules.
Ang mga Pinoy seafarer ay sinalubong nina Philippine Ambassador to Bahrain Anne Jalando-on Louis noong Sabado. Sila ay nakabalik sa bansa Lunes ng umaga kasama si Department of Migrant Workers (DMW) Labor Attaché Hector Cruz.
Kinumpirma naman ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na ligtas na dumating ang 21 seafarers sa Port of Manama, Bahrain, ganap na 5:30 ng hapon ng Sabado.
Patuloy namang isinasagawa ang search operation sa isang Pilipinong tripulante na nawawala. Tatanggap din ito ng parehong benepisyo.
Bukod sa mga nabanggit, tatanggap din ng hiwalay na assistance packages ang mga tripulante mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), DMW at DSWD.