Default Thumbnail

Popcorn, killer ng movie industry

November 3, 2023 Allan L. Encarnacion 234 views

Allan EncarnacionNOONG araw, bukod sa pamamasyal at pagtambay sa mga park, ang pinakamurang libangan ay ang panonood ng sine.

Inabot ka pa na 75 sentimos lang ang bayad bayad sa sinehan at kung minsan, double program pa! Pero mayroon rin single program lang pero bagong pelikula iyon na puwede mong ulit-ulitin kahit hindi ka lumabas mula sa first screening ng 10 a.m. hanggang last full show ng 10 p.m.

Nang magsulputan ang mga malls, tinalo nito ang mga parke gaya ng Rizal Park sa Maynila, QC Circle, Wildlife at Manila Zoo. Wala nga palang masyadong parke ang Metro Manila. Iyong Ayala Triangle park lately lang naman dumating at hindi naman malaki na gaya ng ideal park pero okey naman.

Hindi kasi naisama sa mga long term at developmental plan ng NCR ang pagkakaroon ng mga malalaking parke. Kapag kasi may malaki at magandang bakanteng lote, ang unang naiisip ay ibenta sa mga Sy or sa mga Ayala or sa mga Gokongwei para gawing malls.

Mabuti ang Taguig City ni Mayor Lani Cayetano ay naglalaan talaga sila ng pocket parks kahit may full development sa BGC.

Iba pa rin kasi ang outdoor activity, lalo na kapag sun rise or sa sunsetting dahil mas maganda ang human relations at socialization ng mga bata.

Iyong QC Circle, maganda ang ginagawa ng lokal na pamahalaan ni Mayor Joy Belmonte, inaayos talaga nila kaya kapansin-pansin na bumuhos na ang mga tao doon, lalo na sa umaga at tuwing palubog ang araw. Noon, hindi ako nagpupunta ng circle dahil masukal, nakakatakot at maraming holdaper.

Ngayon, maaliwalas na kahit saan ka tumingin at malinis. Nagkakaroon pa ng massive rehabilitation sa mga toilets at pinagaganda ang iba’t ibang parte ng Circle kaya mas marami tayong nakikitang pamilya na nagpi-picnic doon araw-araw na may bitbit na plastic banig, kanin, adobo at tubig na nasa galon. Ang saya nilang tingnan. Ganoon ang mga pamilya noon na nakikita ko sa Luneta.

Ito iyong sinasabi ko, mas mura at masa masaya kaysa sine. Nag-iba na rin kasi ang presyo ng panonood ng sine ngayon. Hindi ko akalain na may sine na pala na ang presyo ay P350 hanggang P400. Siyempre hindi ko naman ito maikukumpara sa bayad namin sa sinehan noong dekada 70 hanggang 80!

Pero ang P400 movie ticket ay katumbas na ng walong kilong bigas kaya hindi ito kakayanin ng karaniwang mamamayan. Kaysa manood ako ng sine, bigas na lang ang bibilihin ko para pangkain ng isang linggo.

Lalong nagmahal ang sinehan ngayon kasi ang ibang malls, puwersahang isinasama ang popcorn sa bayad sa sine. Kahit ayaw mong kumain, bayad ka ng additional P150 hanggang P175 para sa bottled water at popcorn. Hindi natin alam kung kaninong gimik ito na holdapan ng popcorn sa mga sinehan. Ang ganitong istilo lalo ang nagpahiha ng benta sa takilya na nagpabagsak sa industriya ng pelikula.

Mas gusto tuloy ng marami nating kababayan na magbayad na lang ng P550 monthly para sa Netflix naroon pa lahat ang gusto nilang panoorin sa gusto nilang oras at sa gusto nilang lugar.

Kung hindi ito napapansin ng mga movie makers at mga industry workers, malaki ang problema nila. Iyong puwersahang pagbebenta ng popcorn sa mga sinehan ang lalo pang pumapatay sa industriya ng pelikula.

Kaya kapag nanaood ako ng sine, nakikita kong mas marami pa ang langaw kaysa mga nanonood!

[email protected]