Default Thumbnail

PNP, nakiramay sa pamilya ni Alameda, 5 kasamahan nito

February 25, 2023 Zaida I. Delos Reyes 227 views

NAGPAABOT ng pakikiramay ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa naulilang pamilya ni Aparri, Cagayan Vice Mayor (VM) Rommel Alameda at lima pa nitong kasamahan na napatay sa pananambang ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Bagabag, Nueva Vizcaya nitong Pebrero 19, 2023.

Ayon kay PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., sa kasakuluyan ay may isang “massive” region-wide pursuit operation ang ikinasa ni Regional Director Police Brig. Gen. Percival Rumbaoa upang maaresto ang mga suspek na umano’y nakasuot ng pixel-pattern camouflage outfit.

Iniutos din ni Azurin na agarang i-activate ang Special Investigation Task Force (SITG) “Alameda” na siyang magsasagawa ng malalimang imbestigasyon upang mabilis na makilala at maaresto ang mga salarin at masampahan narin ng kaukulang kaso sa korte.

Matatandaang nitong Lunes ng umaga, Pebrero 20 ay natagpuan ng tracker teams mula sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office (PPO) sa bayan ng Solano ang isang Mitsubishi Adventure van na sinunog kung saan ang engine at chassis ay burado na.

Inaalam pa rin ng mga imbestigador kung ito ang ginamit na “getaway vehicle” ng mga suspek sa pananambang.

Ibinahagi din ng PNP ang pagkundena ni Presidential Legal Counsel Juan Ponce-Enrile sa karumaldumal na krimen na ikinasawi ng bise alkalde at limang kasamahan.

“We deplore this un-Christian disrespect for human life and civility for whatever motive the perpetrators may have, no sufficient reason can justify this murderous rampage,” pahayag ng PNP.

“As enforcers of the law, the PNP is duty-bound to exert all effort to make the perpetrators of this crime responsible for their actions and ensure certainty of punishment under our justice system. The investigation has so far uncovered some leads that are pointing us (in) that direction,” dagdag ng PNP.

Kaugnay nito, hinimok ng PNP ang publiko na makipagtulungan upang agad na maresolba ang kaso at maparusahan ang mga salarin.