Azurin Sina PNP Chief Rodolfo Azurin Jr., (gitna), Dangerous Drugs Board Member Ret. Gen. Usec. Gilbert Cruz (kanan), MPD Director Andre P. Dizon kasama ang kagawad ng MMDA, at National Bicycle Organization.

PNP isinusulong ang ‘Bisikleta Iwas Droga’

November 14, 2022 Jonjon Reyes 1246 views

NAGSAGAWA ng paglunsad ng “Bisikleta Iwas Droga” ang pambansang kapulisan at daang-daang bikers bilang pakikiisa laban sa ipinagbabawal na gamot na nagsimula sa Luneta “Kilometer 0” patungo sa iba’t-ibang lungsod, hanggang sa Camp Crame sa Quezon City, nitong Linggo.

Sa nasabing programa, isinusulong ng pamahalaan ang mga benepisyo ng pagbibiskleta bilang bahagi ng drug abuse prevention and control week.

Mula sa iba’t-ibang panig ng bansa ang mga siklista na nakilahok sa isinagawang kick-off ceremony.

Kasama sa naturang programa sina Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, PNP (Philippine National Police) Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., Dangerous Drugs Board (DDB) Member Ret. Gen. Undersecretary Gilbert Cruz, mga kagawad ng MMDA (Metropolitan Manila Development Authority), National Bicycle Organization, at MPD (Manila Police District) Director P/Brig. Gen. Andre P. Dizon.

Bago pumadyak, ay nanumpa ang mga bikers na makikiisa sila sa paglaban sa ilegal na droga lalo na sa pang-aabuso sa katawan dahil sa bawal na gamot.

Bukod sa public awareness at operasyon laban sa droga, gusto rin iparating ng mga biker na sila ay “drug-free” role models at advocate ng healthy lifestyle.

Sinabi naman ni Azurin na ang pambansang pulisya ay nakahandang iparamdam sa ating mga kababayan na sila ay ligtas sa kanilang mga tahanan, lansangan at pampublikong lugar.

Ayon naman kay Sen. Dela Rosa, naging maganda ang benepisyo sa kanyang kalusugan ang pagbibisikleta.

AUTHOR PROFILE