Piolo

Piolo, sumabak sa virtual run challenge para sa Odette victims

February 8, 2022 Ian F. Fariñas 152 views

Tagumpay si Piolo Pascual sa “100 Hakbang Challenge” ng SKY at hinikayat ng Kapamilya aktor ang iba na sumali bilang suporta sa “Isang Daang Hakbang Sa Pagtutulungan: Kapamilya Virtual Run.”

“Matindi ang pinsalang idinulot ng bagyong Odette sa maraming bahagi ng ating bansa. Hanggang sa ngayon, marami pa rin tayong mga Kapamilya na nangangailangan ng ating tulong.

Kapamilya, sama-sama tayo makibahagi at humakbang,” panawagan ni Piolo nang siya’y sumali sa Kapamilya Virtual Run na kabilang sa fundraising efforts ng ABS-CBN at ABS-CBN Foundation para sa mga nasalanta ng bagyong Odette.

Hinimok muli ni Piolo ang iba na sumali matapos niyang i-post ang video na ginagawa niya ang 100 hakbang sa kanyang Facebook at Instagram accounts.

Sa donasyon na P100 o P400 lamang, maaari na makilahok sa 100 hakbang challenge at makatulong din sa paghahatid ng pagkain at basic necessities sa mga apektadong komunidad sa Visayas at Mindanao.

Ang donasyon ay idedeposito lamang sa BDO (0039300-86136) o BPI (3051-1156-26) account ng fundraiser.

Puwede rin ipadala ang donasyon sa pamamagitan ng pag-scan ng GCash, PayMaya, o PayPal QR Code ng Kapamilya Virtual Run.

Pagkatapos magpadala ng donasyon, magtungo sa www.runrio.com para mag sign up sa virtual run at isumite ang patunay ng donasyon.

Maaari kumpletuhin ng mga kalahok ang kanilang 100 hakbang hanggang Pebrero 28.

Hinihikayat din sila na mag-post ng litrato o bidyo nila na ginagawa ang challenge sa Facebook at Instagram gamit ang hashtag na #100HakbangSaPagtutulungan.

Kung nais tumulong nang higit pa sa paggawa ng 100 hakbang, maaari rin mag donate ng P800 o P1,200 para makasali sa 5K o 10K Top Up Run Categories.

Anumang kategorya ng virtual run ang piliin ng mga lumahok, makakatanggap sila ng e-badge. Ang Top Up Category runners naman ay may karagdagang e-bib at personalized e-certificate.

Ang “Isang Daang Hakbang Sa Pagtutulungan: Kapamilya Virtual Run” ay inorganisa ng SKY kasama ang channel partners na HBO at History Channel para suportahan ang “Tulong-Tulong sa Pag-ahon: Isang Daan sa Pagtutulungan,” ang ikalawang bahagi ng ABS-CBN at ABS-CBN Foundation fund drive para sa benepisyo ng mga nasalanta ng Odette.

Nitong Pebrero 6, 182,110 pamilya na ang natulungan ng ABS-CBN Foundation gamit ang mga donasyon.

AUTHOR PROFILE