Kim

‘Pinoy Big Brother,’ magbabalik para sa 10th season

August 27, 2021 People's Tonight 498 views

Muling magbubukas ang Bahay ni Kuya upang magbigay saya at inspirasyon na magbubuklod sa mga komunidad ng Pilipino ngayong pandemya sa Pinoy Big Brother Kumunity Season 10.

Ito ang naging pasabog na announcement nina Vice Ganda at former housemates Ryan Bang at Teen Big Winner Kim Chiu sa It’s Showtime kahapon (Agosto 27) sa pagpapakilala nila sa bagong season ng PBB na magkakaroon ng adult, celebrity at teen editions.

“Binigyan ako ng task ni Big Brother para sabihin sa lahat na magbubukas na ulit ang bahay ni Kuya para sa Season 10 ng Pinoy Big Brother. Naka-10 seasons na pala tayo,” ani Kim.

Dagdag ni Ryan, “Sabi nga sa labas ng bahay niya… a new community will rise soon.”

Ang tinutukoy ni Ryan ang mistulang pagsasara ng Bahay ni Kuya dahil tinakpan ito ng blue construction cover na may mensaheng, “A new community will rise soon.”

Nabulabog ang netizens sa mga kumalat na larawan sa social media nagtaka sila kung tuluyan na bang mamamaalam si Kuya.

Sinundan pa ito ng pagpaskil ng numero 10 sa tabi ng gate ng tinaguriang pinakasikat na bahay sa Pilipinas na napansin din ng ilan sa mga dating housemate tulad nina Kim, Gerald Anderson, Lou Yanong, Maris Racal, Maymay Entrata, Ryan, Sam Milby at Seth Fedelin.

Katulad sa PBB Connect, sa Pinoy community platform na Kumu gaganapin ang auditions para sa Pinoy Big Brother Kumunity na magsisimula sa Setyembre 1 para sa adult edition at Disyembre 1 naman para sa teen edition.

Matatandaang mainit ang pagtanggap ng mga Pilipino sa nakaraang season kung saan 177,524 ang nag-audition upang maging housemate ni Kuya.

Magaganap din ngayong araw sa Kumu ang pagsama-sama muli ng mga housemate mula sa iba-ibang edisyon ng PBB na unang napanood sa ABS-CBN noong 2005.

Ang PBB host na si Bianca Gonzalez ang mangunguna sa PBB Kumunity Season 10 Kumu Party na mag-i-stream sa Kumu, 3 p.m.

Abangan ang iba pang exciting announcement tungkol dito sa Facebook, Twitter at Kumu.

AUTHOR PROFILE