Janella

Janella, papayagang mag-artista si Baby Jude

August 27, 2021 People's Tonight 336 views

ISA si Liza Soberano sa mga ninang ng love child nina Janella Salvador at Markus Paterson na si Baby Jude at kwento ng aktres, sa wakas ay nagkita na ang mag-ninang.

“OC” daw na nanay si Janella sa anak kaya buntis pa lamang siya, naihanda na nila ang listahan ng mga magiging ninong at ninang ni Baby Jude.

Wala nga raw pinalalampas si Janella bilang ina, lalo na pagdating sa pag-aalaga sa baby niya.

At nang matanong sa virtual mediacon ng bagong season ng digital anthology series na Click, Like, Share kung papayagan niya si Baby Jude na mag-artista, oo ang isinagot niya.

“Kung gugustuhin niya,” dugtong pa ni Janella.

Speaking of Click, Like, Share, bibida rin sa iba’t ibang episodes sina Maymay Entrata, Tony Labrusca, Barbie Imperial at Jerome Ponce.

Sa Setyembre 3 na mapapanood ang apat na bagong episodes nito sa iWantTFC, kada Biyernes, 8 p.m., dalawang araw bago ito ipalabas sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live at A2Z kada Linggo, 8:30 p.m.

Si Maymay ang bida sa unang episode na Lurker bilang mahirap ngunit masipag na waitress na si Beng.

Sanay sa pang-aapi si Beng pero magbabago siya pagkatapos pahiyain ng mayamang social media influencer na si Trish (Michelle Vito). Dahil dito, gagamitin ni Beng ang kasikatan ni Trish para maghiganti at sirain ang buhay nito.

Bibida naman si Tony sa Altered, kung saan tanging hanapbuhay niya ang pag-edit ng mga litrato upang siraan ang mga kilalang personalidad.

Makakarma si Homer (Tony) dahil madadawit ang pangalan niya sa kasong pagpatay sa isang mayamang negosyanteng siniraan din niya.

Masusubukan naman ang pagiging mag-bestfriend nina Jenna (Barbie) at Kris (Lance Reblando) sa Found. Tutulungan ni Jenna si Kris na makakuha ng date kay Vince (Jerome) gamit ang isang dating app, pero magiging komplikado ang samahan ng magkaibigan pagkatapos mahulog ang loob ni Jenna kay Vince.

Sa huling episode na Barter, mag-isang itinataguyod ni Janice (Janella) ang kapatid pagkatapos mamatay ang kanilang ina.

Para makaipon ng pera, nagbebenta si Janice ng mga luma at sirang appliances online – isang bagay na magdudulot ng sunud-sunod na trahedya sa kanyang buhay matapos ikamatay ng isang customer.

Kabilang din sa bagong episodes ng Click, Like, Share sina Mutya Orquia, Louise Abuel, Sherry Lara, Franco Daza, Paolo Gumabao, Kate Alejandrino, Malou Crisologo at Renz Aguilar.

Ang serye ay mula sa direksyon ni Emmanuel Palo at produksyon ng iWantTFC at ABS-CBN Entertainment kasama ang Dreamscape Entertainment at Kreativ Den.

Libreng mapapanood ng iWantTFC subscribers sa Pilipinas ang lahat ng episodes ng unang season tampok sina Francine Diaz, Kyle Echarri, Seth Fedelin at Andrea Brillantes.

Abangan ang ikalawang season ng Click, Like, Share ngayong Setyembre sa iWantTFC, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live at A2Z.

AUTHOR PROFILE