Default Thumbnail

PINATAY DAHIL SA PUSA

April 26, 2023 Melnie Ragasa-limena 537 views

NAG-UGAT sa isang pusa ang alitan ng dalawang magpinsan nang sitahin ng suspek ang biktima matapos nitong kargahin ang kaniyang alagang pusa nitong Martes ng gabi sa lungsod Quezon.

Idineklarang dead upon arrival sa Maclang General Hospital ang biktimang si Jhon Rex Valdez, 40, matapos magtamo ng tatlong saksak ng patalim sa iba’t ibang parte ng katawan.

Agad naaresto ang pinsan ng biktima na si Victor Valdez, 32.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, nangyari ang insidente bandang 9 p.m., Abril 25, 2023 sa tapat ng bahay ng biktima sa San Roque Street, Bgy. Holy Spirit, Quezon City.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na bago mangyari ang insidente ay nakita umano ng suspek na hawak ng biktima ang kaniyang alagang pusa.

Nagalit umano ang suspek at pinagsalitaan ng masama ang biktima kaya agad niyang binigay sa suspek ang hawak na pusa.

Ngunit lalo pa umanong nagalit ang suspek at ibinato ang pusa sa mukha ng biktima.

Nagsawalang kibo na lang umano ang biktima hanggang sa umalis ang suspek.

Makalipas ang ilang minuto ay bumalik ang suspek at sinalubong ang biktima habang naglalakad pauwi sa kanilang bahay.

Bigla na lang umano na bumunot ng patalim ang suspek at agad na sinaksak ang biktima.

Agad na dinala ang biktima sa nasabing hospital habang naaresto naman sa loob ng kaniyang tahanan ang suspek.