Laurel

PH, Czech Rep magtutulungan sa agri, animal raising, water management

April 8, 2024 Cory Martinez 76 views

NAGKASUNDO ang Pilipinas at ang Czech Republic na magtulungan sa pagresolba sa problema sa agrikultura ng bansa para pagbutihin pa ang bilateral trade at mapalawak ang pagbabahagi ng kaalaman hinggil sa teknolohiya, partikular sa paghahayupan, produksyon ng gatas at pamamahala sa patubig.

Naganap kamakailan sa Manila ang kasunduan sa pagitan nina Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr. at Czech Republic Agriculture Minister Marek Výborný.

Ayon kay Laurel, interesado ang Pilipinas sa tagumpay ng Czech Republic sa kanilang dairy industry at sa pamamahala ng kanilang patubig, irigasyon, livestock production at sa online platform.

Nagbibigay ang platform ng impormasyon at komprehensibong solusyon hinggil sa agrikultura kabilang na ang teknolohiya, mga makinarya at direktang komunikasyon sa mga gumagawa ng makinarya.

Umaasa si Laurel na matututo ang DA sa mga karanasan ng Czech Republic na bilang isa sa mga nangungunang bansa sa Europe sa paggawa ng gatas at isa sa mga pangunahing supplier ng baka.

Sinabi pa ni Laurel na inaasahan din na makabili ang ahensiya mula sa naturang bansa ng mga semilya ng baka na gagamitin sa artificial insemination para mapaunlad ang kalidad ng lokal na kawan ng mga hayop.

Bukod sa tulong mula sa Czech Republic sa pag-update ng lokal ng teknolohiya para sa pagsasaka, pinaplano din ni Laurel na palawakin ang pagbebenta ng mga produktong agrikultura ng Pilipinas sa loob ng European Union.

“Mayroon tayong mga produkto na handa nang i-export dahil mas mahalaga sa atin ang market access lalo na sa European Union na itinuturing na pinakamagandang market para sa ating mga produkto,” binigyang-diin ni Laurel.

Samantala, handa si Výborný na tulungan ang Pilipinas hindi lamang sa agrikultura pati na rin trade negotiation.

“We’re definitely ready to offer cooperation. Your aims and ambitions are very similar to what we have in the Czech Republic, where our agricultural sector is also undergoing dynamic changes towards modern technologies, innovations, science and research and the application of their outcomes,” ani Minister Výborný

Nag-alok ang Czech minister nang pagsasanay sa mga Pilipino sa pagsasaka, livestock production at pamamahala ng irigasyon at patubig.

Kaugnay nito, sinabi ni Výborný, nangangailangan ang kanilang bansa ng mas marami pang worker para mapaigting ang pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura at pagtaas ng produksyon ng pagkain sa kanilang bansa.

AUTHOR PROFILE