Laurel

Permanent Kadiwa itatayo ng DA sa Limay

March 7, 2024 Cory Martinez 72 views

MAGLALAGAY ng permanenteng Kadiwa store ang Department of Agriculture (DA) sa Limay, Bataan para makabili ng mura at sariwang pagkain ang mga mamamayan doon at lumaki ang kita ng mga magsasaka.

Isasagawa ang naturang proyekto matapos i-turn over ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang P5 milyon pondo ng Enhanced Kadiwa project.

Inaasahang makikinabang ang 28 na farmers’ cooperative at asosasyon na may combined 3,826 members.

“Panimula lamang ito dahil marami pang ibang initiative na kailangang gawin upang ma-sustain ang momentum na ito,” ani Laurel.

Saksi si Laurel sa pagpirma ng kasunduan sa pagitan ng DA, lokal na pamahalaan ng Limay, Bataan Peninsula State University at Limay Polytechnic College para sa paglulunsad ng Zero Kilometer Food Project.

Naglalayon ang Zero KM, na inilunsad sa Hermosa at Dinalupihan, Bataan noong 2023, na ipalaganap ang healthy eating habang mababawasan naman ang epekto nito sa kapaligiran sa pamamagitan ng pagkonsumo ng mga lokal na prutas, gulay at iba pang pang-agrikulturang produkto.

“Ang pagpapatupad ng ganitong konsepto sa grassroot level sa mga munisipalidad ang siyang magpapatunay ng epekto nito. Mareresolba nito ang isyung kritikal hinggil sa suplay ng pagkain at ang pangangailangan ng local level.

Magkakaroon ng malalimang pag-unawa, tamang pagpaplano at epektibong pamamahala ng ating food systems sa ganitong klase ng grassroots approach,” dagdag ni Laurel.

AUTHOR PROFILE