Pekeng recruiter nasakote sa Taguig

March 25, 2022 Edd Reyes 287 views

PUWERSAHANG binitbit patungo sa himpilan ng pulisya ng mga biktima ang hinihinalang illegal recruiter na nanlinlang at tumangay sa kanilang salapi kapalit ng pangakong mabibigyan ng trabaho sa ibang bansa, Huwebes ng hapon sa Taguig City.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Jimili Macaraeg, lahat halos ng mga naging biktima ng suspek na si Monteser Sarigan, 40, residente ng Purok 7, Maputi Banaybanay, Davao Oriental ay pawang mga naninirahan din sa Davao sa rehiyon ng Mindanao na naghahangad ng trabaho sa ibang bansa.

Sa pahayag ng isa sa mga nagreklamo na si Geraldine Jorojoro, 20, ng New Bataan, Davao Del Oro, inalok siya ng trabaho ng suspek sa bansang New Zealand, kapalit ng pagbibigay ng salapi na gagamitin umano bilang processing fee.

Ilan pang mga biktima mula sa Davao City ang nagreklamo na pinangakuan din sila ng trabaho sa naturang bansa kapalit ng hinihinging bayad na ipinadala nila sa pamamagitan ng GCash.

Nang tipunin ng suspek ang mga biktima dakong alas-3:00 ng hapon sa Alim St. Purok 7, Bgy. Napindan, Taguig City dito na hiningi ng mga biktima kay Sarigan ang katibayan na lehitimo siyang recruiter at may lisensiya sa pangangalap ng trabahador patungong New Zealand.

Nang walang maipakitang katibayan ang suspek, dito na nagkaisa ang mga biktima na dalhin siya sa Taguig Police Sub-Station 5 Tipas kung saan iprinisinta nila ang ebidensiya na nakapagbigay na sila ng mula P5,000 hanggang P6,000 sa GCash mobile wallet ni Sarigan noon pang buwan ng Pebrero na naging dahilan upang dakpin siya ng pulisya.

Nakatakas naman ang live-in partner ng suspek na si April Rox Sabejo na ayon sa mga biktima ay kasabuwat ni Sarigan sa panlilinlang.

Kasong paglabag sa Section 6 ng R.A. 10022 o Illegal Recruitment at Art. 315 ng Revised Penal Code o Estafa ang isinampa ng pulisya laban sa suspek sa Taguig City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE