Default Thumbnail

Pangangailangan ng mga Manilenyo matutugunan

September 2, 2022 Edd Reyes 238 views

TINIYAK ng tagapagsalita ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan na si Atty. Princess Abante na maipagkakaloob ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang mga pangangailangan ng mga mamamayan ng Maynila.

Ang pagtiyak ni Atty. Princess ay kanyang ipinahayag sa pagdalo niya via Zoom sa “Report to the Nation”, isang media forum na binuo ng National Press Club (NPC) kung saan nanguna bilang host si dating NPC President at kasalukuyang kalihim ng pinakamalaking organisasyon ng mga propesyunal na mamamahayag sa bansa na si Paul Gutierrez, kasama si Director Benedict Abaygar.

Ayon kay Atty. Princess, noon pa mang panahon ng tambalan nina dating Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Vice Mayor Honey Lacuna ay nasimulan na ang pagkakaloob ng mga pangangailangan ng mamamayan ng lungsod nang mamahagi sila ng ayuda at food packs sa bawat pamilya sa kasagsagan ng pandemiyang dulot ng COVID-19.

Binanggit din ni Atty. Princess ang pamamahagi ng social pension ng mga senior citizen, mga persons with disabilities (PWDs) at mga solo parents, pati na ang pagkakaloob ng buwanang allowance sa mga estudyante ng senior high school na nag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa lungsod at buwanang allowance sa mga estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at Universidad de Manila (UdM) na patuloy na ibinibigay sa ilalim ng naipasang ordinansa na siya mismo ang may akda noong nanunugkulan pa sa lokal na pamahalaan bilang konsehal.

“Malaking bagay ito para hindi na nila inaalala pa yung kanilang pamasahe, ngayon back to school na, and at least me pambaon. Itong mga bagay na ito ay patuloy nating ginagawa para sa mamamayan sa Lungsod ng Maynila. It may not be a permanent solution but it bridges the gap to help na maipagkaloob yung mga immediate needs,” pahayag pa ng abogada.

Kaugnay naman sa iba pang serbisyo sa mamamayan, sinabi ni Atty. Princes na nais ni Mayor Honey na maipagpatuloy ang iba’t-ibang mga programa, kabilang na ang pagkakaloob ng trabaho sa mga senior citizen, PWDs at solo parents sa pamamagitan ng Public Employment Service Office-Manila (PESO-Manila) at pansamantalang trabaho sa mga taga-Maynila na itatalaga sa iba’t-ibang departamento kung saan sila may kaalaman tulad ng Department of Public Service (DPS) at Manila Department of Social Welfare (MDSW).

“Itong pong lahat ng ito ay kasama pa rin po sa mga magiging planning by next coming years by the present administration of Mayor Honey Lacuna,” sabi pa ni Atty. Princess.

Idinagdag pa niya na layunin din ng alkalde na mapalakas pa ang economic at business environment sa lungsod upang maka-engganyo ng maraming negosyante na maglagak ng kanilang negosyo sa Maynila.

“Malaking bagay po yung mga technological advances na nasimulan na sa lungsod. It would stimulate our local economy para mas mabigyan ng maraming trabaho ang mga Manilenyo, mabigyan ng pagkakaton na makapag-negosyo dahil kapag may negosyo ka, nakakapagbigay ka ng trabaho sa iba at makakatulong sa pagtustos sa pangangailangan ng bawat pamilya,” pagtatapos ni Atty. Princess.

AUTHOR PROFILE