Rabiya1

Pamilya ni Rabiya, nagpalipat-lipat dahil ’di makabayad ng renta

July 25, 2022 Vinia Vivar 334 views

Hindi pala biro ang mga pagsubok at hirap sa buhay na dinaanan ni Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo noong kabataan niya.

Sa interview niya sa podcast ni Nelson Canlas, ikinuwento ng beauty queen na palipat-lipat sila ng tirahan ng kanyang inang single mom at nakababatang kapatid.

“Nag-Grade 1 ako dito sa Manila, nag-Grade 2 ako sa Laguna, nag-Grade 3 ako sa Iloilo. Nagpalipat-lipat talaga kami because wala kaming address, wala kaming bahay.

“Nagre-rent lang kami, and kapag hindi nakabayad ng rent, pinapalayas. Ganoon kahirap ’yung buhay namin,” pagbabahagi niya.

May pagkakataon pa raw na pinalayas sila sa inuupahang bahay sa Laguna at sinabihang kailangan na rin nilang iwan ang kanilang sala set, TV at refrigerator bilang bayad sa utang na renta.

“Hindi naman siya traumatic pero more of naaawa ako sa nanay ko. Kasi, siyempre, nakikita mo ’yong mama mo nagmamakaawa para sa inyo.

“Nangungutang kung kani-kanino, sa mga kamag-anak, minsan hindi na rin tinutulungan. Kasi siguro ayaw din nila madamay sa hirap ng buhay namin,” pagre-recall ng beauty queen.

“Bata pa lang ako, namulat na talaga ako sa hirap ng buhay,” sey pa niya.

Pero humanga kami sa kanya na kahit mahirap ang buhay ay sinikap niyang makatapos ng pag-aaral. Naging full scholar siya sa college. Nagtapos siya na cum laude at pagkatapos ay nakipagsapalaran sa Manila.

“Nakipagsapalaran ako dito kasi kailangan ko pa pag-aralin kapatid ko,” aniya.

Isang nakakaantig na kwento ni Rabiya ay nang sumali na siya sa Miss Universe Ph.

“When I competed for Miss Universe Philippines, iyong mama ko kailangan niya pang pumunta sa kapitbahay at makinood during my pageant kasi wala kaming TV,” kwento niya.

Ngayong unti-unti na niyang nakakamit ang tagumpay, inaalay daw niya ang lahat ng ito sa kanyang ina.

“Ngayon, mas inspired ako to do so much better kasi inaalay ko talaga ito sa mom ko. Like siya lang kasi mag-isang nagtaguyod sa amin, siya lang. Kaya deserve niya lahat.

“Deserve niya lahat ng pagmamahal, lahat ng ginagawa sa buhay, mahal na mahal ko po talaga iyong nanay ko,” she said.

BAGONG STREAMING APP

parami nang parami ang streaming applications sa ’Pinas na bukod sa naghahatid ng entertainment ay nakakatulong pa sa mga taga-industriya na magkaroon ng trabaho especially ang mga naapektuhan ng pandemic.

Inilunsad kamakailan ang Juanetworx na “first all-around entertainment and emergency app” sa Pilipinas na na-envision ng yumaong healing priest na si Fr. Fernando Suarez.

Sa halagang P100 membership fee ay magkakaroon ka na ng access sa lahat ng kanilang content.

Sa nasabing grand launching ay ipinakita ang mga naka-line-up na contents na mapapanood at kabilang na nga riyan ang sariling programa ni Ed Caluag at ng vlogger-comedian Bernie Batin.

May sariling programa rin ang “masungit na tindera” na si Bernie Batin sa The Sari-Sari Show at ang Mga Kuwento Sa Dilim hosted by Ed.

Bukod dito, nandiyan din ang untold stories ni Fr. Suarez hosted by Boy Abunda, ang dokumentaryong The Rey Valera Story: Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko at Doc Willie Ong: Ang Inyong Lingkod.

Ipalalabas din sa Juanetworx ang life story ni Lt. Col. Jhun Ibay, Jr. na pagbibidahan ni Aljur Abrenica, ang sex-drama na Erotika nina Christian Bables at Ali Forbes at ang isa pang sexy-suspense na Ang Huling Burlesk Queen.

Hindi lang entertainment ang hatid ng Juannetworx kung may kasamang helpline rin na first time nga sa ’Pinas.

AUTHOR PROFILE