
Lolit winarningan ang produktong nanggagamit kay Sen. Bong
Inalmahan ng manager ni Sen. Bong Revilla na si Lolit Solis ang paggamit sa aktor/politiko para sa isang juice na ibinebenta sa market.
Ipinost ni ‘Nay Lolit ang larawan ng juice kung saan ay makikita nga na nakabandera pa ang mukha ng aktor/politiko.
Ayon sa talent manager/entertainment columnist ay walang permiso ni Sen. Bong ang paggamit sa kanyang mukha para ilagay sa packaging ng produkto.
“Hindi dapat magtiwala sa mga produkto na ginagamit ang mga artista ng wala silang go signal dahil umpisa pa lang may pandaraya na. Paano ka magtitiwala sa isang produkto na iinumin mo na sasabihin mo ito ang iniinom ng isang artista na nakalagay sa packaging na wala naman go signal ang artista. Pandaraya iyon at panloloko,” sey ni ‘Nay Lolit.
Pero mabait daw talaga si Sen. Bong dahil hindi na ito magdedemanda pa.
“Mabuti na nga lang mabait si Bong Revilla at hindi sila idemanda. Isang juice na ang ginawang selling factor ay siya daw iniinom ni Bong Revilla ang walang takot na gumamit sa photo ni Bong sa packaging ng kanilang product,” sey ng manager.
Sa halip, si ‘Nay Lolit na lang ang nagbigay ng babala sa owner or kumpanya ng nasabing produkto.
“Hindi ko gustong takutin ang gumawa nito, pero alam kaya niya na may legal way para sa ginawa nilang kapalpakan. At naniniwala ako na low standard at baka magkasakit pa ang iinom ng juice na ito dahil low standard at hindi maganda ang quality ng mga material na ginamit. Nakakatakot na baka magkasakit ang iinom nito kaya sana huwag bilhin ng publiko dahil nakakatakot,” pahayag ni ‘Nay Lolit.
“Tandaan ninyo, walang pahintulot si Bong Revilla sa gumamit ng photo niya para ibenta ang juice nila, kawawa naman ang bibili na baka magkasakit pa. Warning po, salamat po,” babala pa ng manager ng senador.