
CIC pinasasagot ng CA
INATASAN na ng Court of Appeals (CA) ang Cavite Infrastructure Corporation (CIC) na sagutin ang isinampang petition for mandamus ng Philippine Estate Authority Tollways Corporation kaugnay ng pagbawi sa operasyon ng Cavitex.
Sa inilabas na resolution ng 10th Division ng CA , binigyan nito ng sampong araw ang CIC na sumagot sa isyu sa sandaling matanggap nito ang notice ng korte.
Matatandaan na kamakailan ay naghain ng petisyon ang PEATC sa CA kung saan hiniling ng mga ito na ideklara ng Appellate Court na iligal na ang pamamahala ng CIC sa Cavitex dahil sa kawalan na nito ng mandato base sa nilalaman ng kanilang kontrata.
Ginamit din ng PEATC ang resulta ng pagsisiyasat ng Commission on Audit (COA) kung saan sinabi nitong dapat ay hawakan na ng gobyerno ang operasyon sa Cavitex.
Pinagkokomento naman ng CA ang PEATC sa petition ng respondent na si Raul Ignacio na maglabas ng gag order ang korte kaugnay sa isyu.
Matatandaan na nitong nakalipas na Biyernes ay iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang agarang pagpapatupad ng 30-suspension ng toll collection sa CAVITEX.
Ayon kay PEATC spokesperson Atty. Ariel Inton, sa ngayon ay hinihintay na lamang nila ang pormal na resolusyon mula sa Philippine Reclamation Authority (PRA) upang maumpisahan na nila ang pagpapatupad ng 30-day suspension ng toll collection.
Paliwanag ni Inton, sa sandalaing makapaglabas ang resolution ang TRB ay agad nilang ipapatupad ang libreng toll fee sa cavitex sa loob ng 30-araw.
Batay sa ulat ng PEATC, aabot sa 170,000 sasakyan araw-araw na dumadaan sa cavitex ang makikinabang sa naturang hakbang.
Bukod kay PBBM at PEATC, maging si Senator Ramong “Bong” Revilla ay nanawagan narin sa TRB na madaliin ang paglalabas ng resolution para ipatupad ang isang buwang free toll fee sa cavitex.
Ayon sa senador, ang toll holiday na iuto ay malaking bagay para mabawasan ang gastos ng mga motorista kaya’t nararapat lamang na huwag na itong patagalin.
“Ang toll holiday na ito ay malaking bagay para mabawasan ang gastos ng mga motorista. Kaya sana ay huwag nang patagalin dahil inaasahan nila to. Bilisan na dapat ng TRB ang paglabas ng resolusyon para mapakinabangan na ng ating mga kababayan ang libreng daan sa mga parte ng CAVITEX”- pahayag ng senador.