
Risa: 2 ang Alice Guo?
“Dalawang Alice Leal Guo? Ngunit sino sa dalawa ang totoo?”
Ito ang mariing tanong ni Deputy Minority Leader Sen. Risa Hontiveros kung saan ay sinabi niyang hindi malayong mangyari na may naganap na stolen identity sa kontrobersiyal na pangalan na Alice Leal Guo.
Ito’y matapos ilahad ni Hontiveros, chairman ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality, na mismong ang National Bureau of Investigation (NBI) ang nakadiskubre na may isa pang Alice Leal Guo na parehas mismo ang kaarawan ngunit ibang iba ang mukha nito.
“Si Mayor Alice Leal Guo ba ng Tarlac, Bamban ay si Guo Hua Ping sa katotohanan? Ito ang dapat sagutin ng tuwiran ni Mayora sa susunod na pagdinig,” ani Hontiveros.
Napagalaman na ang mga diumano’y kapatid ni Guo ay pinasu-subpoena ng komite ni Hontiveros upang humarap sa susunod na pagdinig.
Sakaling hindi sila magpakita ay may kapangyarihan na ang komite na isyuhan ang bawat isa sa kanila ng warrant of arrest at makukulong ito sa Senado.
Samantala, si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na hindi rin sumipot sa pagdinig ay nagpadala ng kanyang liham sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Atty. Stephen David, kung saan ay inilahad nito ang kanyang karamdaman kung bakit hindi siya makadadalo.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig, ipinakita ang dalawang larawan na may pangalan na Alice Leal Guo na may parehong araw ng kapanganakan at ito ay pormal na inako ng NBI bilang dokumento na galing sa kanilang opisina.
“Isang malalim na palaisipan sa’tin ang bagay na ito. Ito kaya ay isang kaso ng stolen identity where somebody assumed the identity of a Filipino woman? How large and what is the nature of Alice Guo’s connection?” giit ni Hontiveros.
Sa nasabing dokumento na ibinigay ng NBI, sinasabi na parehong July 12, 1986, ang kapanganakan ng dalawang Alice Leal Guo ngunit magkaibang magkaiba ang mukha.
“Is this merely a coincidence that the two Alice Leal Guo were born on the same day? Tanong ni Hontiveros na nagsabi rin na mismong ang NBI ang naglahad na kumuha pa ito ng clearance sa NBI bago nag-file ng kanyang delayed birth certificate registration.
Ang imbestigasyon kay Guo ay nag-ugat sa kanyang diumano’y kaugnayan sa Philippine offshore gaming operation (POGO) hub sa Bamban gayundin sa Porac, Pampanga, na umano’y pag-aari ni Guo at ng kanyang mga kasosyo.
“Sino ba talaga ang protector ng POGO na ito na masyadong malalim at nakabaon ng husto? POGO money can influence the 2025 elections. The link and network must be fully investigated,” ani Hontiveros.
Para kay Senador Joseph Victor Ejercito, suportado niya ang pananaw ni Hontiveros na may nangyayaring hokus pokus diumano kung bakit hindi nagtutugma ang mga detalye sa pahayag.
Iminungkahi ni Ejercito na imbitahin ang dating mayor ng Bamban na pinalitan ni Guo at siyang humikayat dito na tumakbo kapalit niya sa naturang probinsiya.
Ayon pa kay Ejercito, naniniwala siyang banta ang POGO sa seguridad ng bansa at dapat lamang aniyang tuldukan na ang operasyon ng mga ito sa bansa upang hindi na aniya magamit sa pagsulong ng kanilang kriminalidad.
“We need to act immediately against POGO. It is hurting the image of our country and becoming a problem for the country’s national security aside from the many crimes being linked to POGO,” ani Ejercito.
Sinabi naman ni Sen. Grace Poe na umaapaw na umano ang kabulastugan ng POGO sa bansa at ito ay nakasisira na sa imahe ng bansa sa iba’t ibang parte ng mundo.
“We have seen more than enough. Sobrang sakit na ito sa ulo ng ating gobyerno. If we leave this unresolved, POGO will spread like wildfire. Nanganak na ito ng maraming korapsyon. Masalimuot na ang tunay na mukha ng POGO and this needs to stop. Ban POGO now,” giit ni Poe.
Si Sen. Sherwin Gatchalian na siyang bumusisi nang husto at siya ring nakakuha ng opisyal na dokumento mula sa Board of Investment (BOI) at sa Bureau of Immigration (BI), ang nagsabing ang tunay na pagkatao diumano ni Guo ay isang Chinese national at ang kanyang tunay na pangalan ay Guo Hua Ping, na pumasok ng bansa noong siya ay 13-anyos noong 2003.
Base na rin sa nakalap ni Gatchalian na ibinigay ng BOI, ang pamilya Guo ay nag-apply sa bansa ng Special Investors Resident Visa.
Matapos itong mag-expire ay nag-apply naman sila ng retirement visa na kung tawagin ay Special Resident Retiree’s Visa o SRRV na ipinagkakaloob ng gobyerno bilang special nonimmigrant visa sa mga banyaga na nais pumirmi sa Pilipinas bilang kanilang pangalawang tahanan at bilang investment destination rin na paglalagakan ng kanilang mga negosyo.
Ang mga dumalo sa pagdinig ay sina Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Usec. Gilbert Cruz; Engr. Marizza Grande, Asst. National Statistician-Civil Registration Service; Usec. Nicholas Felix Ty, Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT); NBI Regional Director Jerry Abiera, Region III-CELRO; Porac Mayor Jaime Capili; at isang nagngangalang Mary Joy Manalo Castro na umano’y isa sa mga incorporator ng POGO company sa Bamban.
Itinanggi ni Castro na may partisipasyon siya sa nasabing kumpanya at ni hindi niya raw alam kung bakit naroon ang kanyang pangalan sa dokumento, samantalang ordinaryong maybahay lamang siya na dating tindera sa palengke.
“Nagulat na lamang po ako na kasama ang pangalan ko. Hindi ko po alam kung anong nangyari dahil housewife lamang po ako sa kasalukuyan. Dati po naging tindera din ako. Nagtataka rin nga po ako dahil nakita ko ang pangalan ng iba pang kapwa ko tindera na sina Rowena na nagtitinda ng gulay sa palengke, si Thelma na almusal naman ang paninda at si Rita na nagtitinda ng ihaw-ihaw barbeque,” paglalahad ni Castro.
Napagalaman din na mabigat ang isasampang kaso ng gobyerno kina Castro at ito ay panghabangbuhay na pagkakakulong sakaling mapatunayan na kasama sila sa human trafficking bilang mga sinasabing incorporator.
“Handa po akong makipagtulungan. Hindi po ako pwedeng makapagsalita para kina Rowena, Thelma at Rita kung anong kaugnayan nila pero ang pagkakaalam ko talaga ay mga tindera lang din sila. Nagulat ako na nakita ko mga pangalan namin,” ani Castro.
Sinabi naman ni Ty na sakaling mapatunayan na si Guo ay isang Tsino ay mahuhubaran siya ng kanyang Filipino citizenship base sa itinatakda ng batas, at sakaling mapatunayan din na may anomalya at hokus pokus sa kanyang mga papeles umano pati na rin sa ugnayan nito sa iligal na operasyon ng POGO at iba pang kriminalidad ay maaaring makulong ito ng habangbuhay, depende sa magiging kahihinatnan ng imbestigasyon.
Si Guo ay kasalukuyang nahaharap sa isang preventive suspension na ipinagutos ng Ombudsman, kung saan ay umapela ito sa Court of Appeals ngunit hindi napahinto ang suspensyon.
May kaso rin siyang kinakaharap sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at sa PAOCC.
Nagsalita rin si Sen. Lito Lapid dahil sa pagdawit sa kanyang pangalan sa operasyon ng POGO na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga.
“Napilitan akong humarap dito sa pagdinig na ito dahil pilit idinidikit sa pangalan ko bilang may-ari at protektor ng POGO sa hub sa Porac, Pampanga. Wala akong kinalaman diyan. Hinahamon ko na kung sinoman ang makapagpapatunay na isa ako sa may-ari ng lupa ng POGO hub na iyan sa Porac ay handa akong mag-resign bilang Senador. Naging napakasama ng imahe ng Porac,” ani Lapid na sobrang dismayado sa pagkakasangkot ng kanyang pangalan.
“Ang tunay na may-ari po ng lupa ay ang magkakapatid na Cruz,” pagtatapat ni Lapid, sabay hamon sa mayor ng Porac na linisin ang kanilang bayan sa masalimuot na pagkakasangkot nito sa mga kriminalidad na dala ng POGO sa lugar.
“Wala na pong magi-invest sa atin sa Porac dahil sa napakasamang imahe na naging dulot ng POGO sa ating pangalan. Linisin mo Mayor Capili ang pangalan ng ating bayan,” giit ni Lapid.
Matatandaan na mismong ang PAOCC ang nagugnay kay Guo sa mga kriminalidad na sangkot ang ilang sindikato, ngunit itinanggi naman ito ng kampo ni Guo.
Samantala, nilinaw naman ni Hontiveros na ang ginagawang pagdinig ay hindi pagtugis laban sa mga Tsino kundi pagbibigay hustisya sa mga inagrabyado ng kumpanyang ito.
“Huwag po natin lituhin ang mamamayan. Hindi po ito isyu ng Sinophobia dahil napakaraming Chinese nationals ang pinagpapatay ng mga POGO na ito. They are involved in deeply rooted criminal activities. Inuulit ko, hindi ito isyu ng racism dahil daan-daang Tsino ang pinagpapatay ng mga ito. Ito ay para sa hustisya at para sa katotohanan at hindi para magkaroon ng Sinophobia,” pagdiriin ni Hontiveros.