Default Thumbnail

Pamilya na humarang sa pagtiklo sa drug suspek, kalaboso

May 22, 2023 Edd Reyes 134 views

ARESTADO ang mag-asawa at kanilang anak na sangkot umano sa iligal na droga matapos hadlangan ang mga pulis na humahabol sa isa pang miyembro ng kanilang pamilya Linggo ng umaga sa Pasay City.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Kirby John Kraft ang mga nadakip ay ang ama ng tahanan, 50; kanyang maybahay, 50; at anak nitong 23-anyos habang hinahanap pa ang kakambal nito na suspek umano sa iligal na droga at dati nang lumutang sa infotext na tinanggap ng pulisya kaungay sa pagkakasangkot niya sa kalakaran ng iligal na droga.

Sa isinumiteng ulat ni Kraft kay National Capital Region Police Office (NCRPO) P/MGen. Edgar Alan Okubo, dakong alas-5:55 ng umaga (Mayo 21) nang makatanggap ng tawag ang Maricaban Police Sub-Station 7 hinggil as nagaganap na iligal na aktibidad na may kaugnayan sa droga sa isang lugar sa Barangay 178, Maricaban.

Nang rumesponde sa lugar ang mga pulis, naaktuhan nila ang batang suspek habang sinusuri ang diumano’y lamang shabu ng hawak na plastic sachet nito.

Dito na sana dadakpin ng kapulisan ang suspek subalit bigla niyang itinapon ang isang itim na sisidlan na naglalaman ng sampung plastic sachets na may lamang shabu at mabilis na nagtatakbo papasok sa loob ng kanilang bahay.

Hinabol ng mga pulis ang batang suspek subalit humadlang ang kanyang mga magulang at kapatid na dahilan upang tuluyang makatakas ang suspek.

Dahil sa ginawang paghadlang ng mag-asawa at kanilang anak sa pagtugis nila sa suspek, sila ang inaresto ng kapulisan upang sampahan ng kasong “obstruction of justice.”

Nang kapkapan, nakuha sa ama ang apat na plastic sachets ng shabu, 12 sa anak nito, at dalawa naman sa ginang na pawang naglalaman ng humigit kumulang sa kabuuang 26.5 gramo ng shabu na may katumbas na halagang P180,200 kaya’t bukod sa kasong obstruction of justice, mas mabigat na kasong paglabag sa RA (Republic Act) 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kanilang kakaharapin.

“Sa ating lahat, ituloy natin ang ating pagkakaisa at determinasyon sa paglaban sa iligal na droga. Sa pamamagitan ng ating sama-samang pagsisikap, malalampasan natin ang mga hamon at magtatagumpay sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa ating komunidad,” ang pahayag naman ni Okubo.

AUTHOR PROFILE