Default Thumbnail

2 ‘akyat-bahay’ tiklo sa Sampaloc

May 22, 2023 Jonjon Reyes 144 views

INAKALA ng dalawang tinaguriang “akyat-bahay” na masuwerte nilang nakulimbat ang mga gamit ng isang kawaning babae ng isang bangko, makaraang pasukin ang loob ng bahay nito sa Maceda Street, Sampaloc, Maynila, Sabado ng madaling araw nitong Mayo 20.

Nadakip ang isang suspek, 25, na sinasabing miyembro ng “Commando Gang” ng San Miguel, Maynila at isang kaanib diumano ng “Bahala Na Gang,” 47, ng San Andres Bukid sa operasyon ng mga awtoridad.

Base sa ulat ni P/Lt. Col. Wilson Villaruel, commander ng Manila Police District (MPD) Sampaloc Police Station () 4, bandang 3:00 ng madaling araw, nang madiskubre ng isang 24-anyos na dalaga na naglahong parang bula ang mamahalin nitong gamit umano sa kanyang tahanan.

Una na umanong nagpasaklolo ang biktima sa MPD Blumentritt Police Community Precinct (PCP) sakop ng PS-4 sa Sampaloc, dahil sa pinaiiral na programang “Oplan Galugad” at Simultaneuos Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO).

Agad na tumalima si P/Capt. Regidor Carandang, hepe ng nasabing PCP at sa pangunguna ni PEMS Rolando Morada, na nagsagawa ng follow-up operation kasama si PSSgt. Carlo John Quijano at ilan pang tauhan nito at kinalawit ang mga suspek sa Sampaloc.

Narekober ang ilang gamit ng biktima gaya ng Huawei laptop at accessories na may halagang P32,000, Apple AirPods (P12,000), isang bag na may rubber shoes na may halagang P7,000, isang leather wallet na may IDs ng biktima.

Hindi na nakuha sa mga suspek ang isang iPhone X cellphone na may halagang P40,000, Casio na relo, at coin purse na may P1,000 cash, batay sa ulat ng pulisya.

Matapos maidokumento ni PSSgt. Rowie Lizano ang pag-aresto sa dalawa ay nahaharap ang mga ito sa kasong robbery with force upon things sa ilalim ng Revised Penal Code sa piskalya.

AUTHOR PROFILE