Default Thumbnail

Maynila LGU, handang tumulong sa MCPO

May 22, 2023 Edd Reyes 125 views

Matapos tupukin ng apoy

NAGPAHAYAG ng kahandaan si Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan na magkaloob ng tulong ang lokal na pamahalaan sa Manila Central Post Office (MCPO) na tinupok ng apoy sa nangyaring sunog Lunes ng umaga, Mayo 22.

Nagtungo ang alkalde, kasama si Vice Mayor Yul Servo Nieto, sa Plaza Lawton Lunes ng umaga bago dumalo sa regular na pagpupugay ng watawat na ginaganap sa Kartilya ng Katipunan upang sakskihan ang nagaganap na sunog na noon ay nasa “general alarm” na bunga ng hindi masugpong paglagablab ng apoy na tumupok sa kabuuan ng gusali.

Nagkaroon ng maikling pag-uusap sina Mayor Lacuna-Pangan at si Postmaster General Luis Carlos at dito’y tiniyak ng alkalde na handa silang magbigay ng tulong sa para sa makasaysayang gusali na isa sa mahahalagang palatandaan ng mga nagtutungo sa lungsod.

Sa kanya namang pagsasalita sa regular na pagpupugay sa watawat ng Pilipinas, ibinahagi ng alkalde sa mga opisyal at kawani ang ginawang pagbisita sa lugar habang nasa kasagsagan ng sunog.

“Para po sa kaalaman nyo, ang Manila Central Post Office ay dinisenyo nina Juan Arellano at Tomas Mapua at ito po ay itinayo noon pang 1926. Napakagandang istraktura diyan po sa may Lawton,” paglalahad ng alkalde.

“Pero ito po ay nasira na noong 1946 sa naganap na ‘Battle of Manila’ at kung makikita nyo at makakapunta po kayo doon, na-retain pa rin niya yung dati niyang ganda kaya po kapag natapos na po itong sakunang nangyari, sana, sa mga susunod na taon ay maiayos ulit natin ang Manila Central Post Office at maibalik ang kanyang ganda at ningning,” pahayag pa ng alkalde.

Nilinaw naman ni Atty. Princess Abante, tagapagsalita ng alkalde, na hindi kaagad nila maisasa-publiko ang detalye ng gagawing paraan ng pagtulong ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila dahil nasa ilalim ng pamamahala ng Pambansang Pamahalaan ang MCPO.

Gayunman, pinawi ng alkalde ang pangamba ng ilan na baka tayuan diumano ng ibang imprastraktura ang lugar na kinatitirikan ng Post Office at sinabing hindi ito maaring mangyari dahil kinilala na bilang mahalagang pag-aari ng kultura ng bansa ang naturang gusali ng National Museum kaya’t kahit ang Pambansang Pamahalaan ay walang kapangyarihan tayuan ito ng ibang gusali maliban sa Post Office.

AUTHOR PROFILE