Kasambahay

Pagpatay, pagsunog sa mag-asawa nakutuban ng anak sa abroad

March 8, 2024 Melnie Ragasa-limena 88 views

NADISKUBRE ng nurse na nasa abroad nagtatrabaho na hindi lang pinatay kundi sinunog pa ng kanilang katulong ang kanyang mga magulang sa Quezon City.

Ayon kay Maj. Dondon Llapitan, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD, nagtatrabaho bilang nurse sa ibang bansa ang anak na babae ng mag asawang senior citizen.

Ngunit kahit malayo sa kaniyang mga magulang regular ang pakikipag usap niya sa mga ito sa tulong ng videocall.

Noong Martes, nakaramdam na umano ang anak na may masamang nangyari sa kaniyang mga magulang dahil hindi umano niya ito nakausap.

Nang tanungin niya ang kasambahay na si Marilyn Mante Pandita kung nasaan ang kaniyang mga magulang sinabi nito na nasa banyo at naliligo.

Makailang beses umano na nagtangka siyang tawagan ang kaniyang mga magulang ngunit ang isinasagot ng kasambahay ay nasa banyo pa rin ang mga ito.

Kakaiba umano ang araw na iyon dahil kahit ang CCTV na naka install sa loob ng tahanan ng kaniyang mga magulang Hindi niya ma acess.

Dahil dito, napilitan ang anak na tawagan ang isang kamag anak upang puntahan ang tahanan ng kaniyang mga magulang.

Bumulaga umano sa kamag anak ang usok na nagmumula sa tahanan ng mag asawa sa Brgy. E. Rodriguez, Cubao, Quezon City.

Isang kapitbahay umano ng mag asawa ang tumawag sa mga bumbero matapos mapansin ang usok mula sa tahanan ng mga biktima.

Papalabas na ang kasambahay bitbit ang isang maleta nang masakote ng kamag anak at mga opisyal ng baranggay.

Habang abala ang mga tauhan ng barangay sa sunog, tumakas naman si Pandita na hinabol ng mga barangay officials at pulis sa 15th Avenue corner P. Tuazon Avenue, Brgy. Socorro, Quezon City.

Sa pagsisiyasat ng mga pulis sa pangunguna ni PCpt John Agtarap, nakuha sa crime scene ang llave tubo, dumbbell at kutsilyo.

Inamin ni Pandita ang nasabing krimen at idinetalye sa Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD ang ginawa niyang pagpatay at pagsunog sa mga biktima.

Ayon kay Pandita, pagnanakaw lamang sana ang gagawin niya.

Giit ni Pandita, hindi niya kinakaya ang masasakit na salita at pang-aabuso ng kanyang mga amo.

Sinampahan ng kasong two counts ng Robbery with Homicide at Arson si Pandita sa Quezon City Prosecutor’s Office.