Default Thumbnail

Pagpapaganda ng mga airports noon pa dapat

September 9, 2022 Paul M. Gutierrez 297 views

PaulNAGLABAS ang Department of Budget and Management (DBM) ng P2.5 bilyon para sa “pagpapaganda” ng ilang mga airport sa bansa. Ang halagang ito ay bahagi ng P167.1 bilyong badyet ng Department of Transportation (DoTR) na tinaasan sa ilalim ng National Expenditure Program para sa 2023.

Kabilang sa mga airport na nakatakdang ayusin ay ang Ninoy Aquino International Airport, Laoag International Airport, Tacloban Airport, Antique Airport at Bukidnon Airport.

Sa pahayag ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ito ay pagsuporta sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos (PBBM) na bigyan ng mataas prayoridad ang pagpapaunlad ng mga inprastraktura sa bansa para sa pagpapaunlad at paglikha ng trabaho.

Isang malaking check ito dahil may pangangailangan talagang ayusin ang ating mga paliparan dahil kung ikukumpara ang mga ito sa mga karatig bansa natin, talagang malayung-malayo na at napag-iiwanan na tayo.

Sa naging ulat ng Skytrax, isang United Kingdom-based authority na nagsusuri ng mga airline at airports, worst o pinakamababa ang nakuhang grado ng Pilipinas sa 38 airports na sinuri. Ganito rin halos ang lumalabas sa isang California-based luggage storage app na Bounce.

Kung tatanungin natin ang mga Pilipinong nakaranas o nakarating na sa iba’t ibang airport sa mga karatig bansa natin, sasabihin po nilang napag-iiwanan nang husto ang Pilipinas.

Tandaan po natin na ang ating mga airport ay isa sa mukha ng ating ekonomiya. Dito po pumapasok ang mga dayuhang investor sa ating bansa. Kung hindi po sila nagiging masaya sa kanilang karanasan sa ating mga airport wala po silang nakikitang dahilan para bumalik dito. Ganyan po kaimportante na mapaganda ang ating mga airport.

Ito po ang mukha ng ating bansa sa mga dayuhan. Mas higit silang maeenganyo na pumunta o bumalik sa bansa kung alam nila na sa pagpasok pa lamang nila ay maganda na ang kanilang dadatnan. Kung hindi maganda ang kanilang karanasan sa pagpasok pa lamang ng ating bansa, bakit pa nila iisiping bumalik dito. Apektado ang ating turismo, apektado ang mga trabaho.

Isa pa, nararapat lamang na magkaroon ng magandang karanasan ang bawat pasahero, Pilipino man o dayuhan, sa mga paliparan natin. Ito po ay maituturing na serbisyong publiko at ang mga mamamayan ay nararapat lamang na mabigyan ng magandang serbisyo.

Hindi po natin sinasabing hindi tayo nakakatanggap ng magandang serbisyo mula sa ating mga paliparan sa kasalukuyan.

Pero alam nating may mas igaganda pa o ibubuti pa ang mga serbisyong ito kung maaayos at mapopondohang mabuti ang ating mga paliparan.

Kaya naman masasabi nating isang malaking hakbang na maisaayos ang ating mga paliparan sa bansa.

At sana may maging tuluy-tuloy ang mga pagsasaayos ng mga ito at hind maging ningas-cugon lamang. Dahil ang pagpapaganda ng mga paliparan ay dapat tuluy-tuloy at nakakasabay sa internasyunal na pamantayan.

Sana noon pa man naging ganito na ang mindset ng mga namumuno lalo na sa mga paliparan natin. Dapat mas nagiging agresibo sila sa pag-iingay na maayos, maganda at mas mapapaunlad ang ating mga paliparan.

Kung naging tuluy-tuloy ang pagsasaayos at pagpapaganda taun-taon, hindi natin kakailangan ng biglaang malaking budget lagi para lamang maayos ang ating mga aiport.

Ang mahalaga nakikita natin ang tuluy-tuloy na trabaho sa ikakaunlad at ikagaganda ng ating mga paliparan.

AUTHOR PROFILE