Default Thumbnail

Pagkilala sa World Hijab Day

January 31, 2023 People's Tonight 1170 views

RobinATIN pong inaanyayahan ang lahat — ano man ang lahi, pinagmulan o pananampalataya — na makilahok sa pagdaraos ng World Hijab Day sa darating na Miyerkules, Pebrero 1, 2023.

Sa espesyal na pagkakataong ito, atin pong hinihimok ang bawat isa na ituon ang pansin sa hijab: ang kapirasong tela na bumabalot sa buhok ng ating mga kapatid na kababaihang Muslim.

Karaniwan nating nakikita ang hijab o belo bilang bahagi ng kasuotan ng ating mga kapatid na Muslimah. Ngunit higit sa panlabas na pananamit, ang hijab ay pagganap at karapatang magpahayag ng paniniwala na kinikilala ng ating Saligang Batas.

Kaya nakalulungkot at nakadidismaya na kasabay ng pagsusuot ng hijab ay ang patuloy na diskriminasyon na dinaranas ng mga hijabi.

Mula sa mga salaysay ng ating mga bisita sa ginanap nating pagdinig sa Senado nitong nakaraang taon, ating napagtibay ang iba’t ibang porma ng pang-aapi sa ating mga kapatid na Muslim na nakasuot ng hijab: mula sa pagpapaalis ng kanilang suot na hijab dahil hindi daw ito ‘naaangkop’ sa isang institusyon o maging sa mga pampublikong lugar; hindi pagtanggap sa isang propesyon dahil sa nakakasagabal na ‘takip’ sa ulo; hanggang sa panghaharass at pag-atake sa mga mag-aaral na kilala noon bilang isang ‘Boy Recto’ sa mga naka hijab noong ‘90s.

Kaya naman mahalaga ang araw na ito hindi lamang para sa ating mga kapatid na Muslim kundi para sa lahat ng Pilipinong naghahangad ng mas malalim na pag-unawa sa pagkakaiba ng kultura, tradisyon at kultura sa bansa.

Katuwang din natin ang buong mundo sa paggunita ng World Hijab Day. Mula nang ito ay pasimulan noong 2013, higit 150 na bansa sa iba’t ibang panig ng mundo ang nagdaraos ng selebrasyon tuwing ika-1 ng Pebrero na sinimulan noong 2013.

Sa Senado, tayo rin po ay naghanda ng programa para masusugan ang adhikain ng World Hijab Day, una na rito ang pagpapalaganap ng kamalayan at kaalaman ukol sa ating mga kapatid na hijabi.

Higit dito, hangad natin na ang hijab ay magiging simbolo laban sa diskriminasyon at pagsulong sa isang inklusibong bansa.

Kaya sa ika-1 ng Pebrero, hinihimok natin ang mga kababaihan, Muslim man o hindi, na makinig at alamin ang patungkol sa hijab. Makibahagi din tayo sa mga aktibidad na nagsusulong ng malawakang pagkilala sa mga hijabi at sa kanilang karapatan at kalayaan.

Nawa’y magsilbing araw ng pagbubuklod at pagkakaisa para sa karapatan, kalayaan at kapakanan ng ating mga kababayan at kapatid na Muslim ang Pebrero 1 o World Hijab Day. Ni Robin Padilla

AUTHOR PROFILE