Default Thumbnail

Pagkakatatag sa Lungsod ng Pasay, masayang ipinagdiwang

December 6, 2023 Edd Reyes 208 views

Edd ReyesMASAYA at naging makulay ang ginawang pagdiriwang ng ika-60-taong anibersaryo ng pagkakatatag sa Lungsod ng Pasay na pinangunahan mismo ni Mayor Emi Calixto-Rubiano.

Hindi lumikha ng pagsisikip ng daloy ng trapiko ang pagdiriwang kahit pa nga ilang kalsada ang isinara para pagdausan ng makulay na parada at street dancing na nilahukan ng mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan, mga kinatawan ng barangay at iba pang grupo dahil natapat ito sa araw ng Sabado na ginawa pang non-working holiday sa lungsod.

Ang ilang motorista naman na bahagyang naipit sa trapiko ay nag-enjoy pa, sa halip na mabagot, dahil nakapanood pa sila ng iba’t-ibang makukulay na karosa, kabilang ang float nina Mayor Emi, Cong. Tony Calixto at Vice Mayor Ding Del Rosario, pati ng street dancing competition.

Akmang-akma naman sa naturang pagdiriwang ang tema ngayong taon na “Be the Light” dahil sa maningning na pagdiriwang na nagpasaya ng labis sa mga residente ng lungsod.

Bago nga pala idaos ang makulay na parada, nakipag-kasundo muna si Mayor Emi sa Toyota Motor Philippines para sa libreng sakay sa kabuuan ng Pasay bilang handog na rin sa mga mananakay sa anibersaryo ng lungsod.

Mayamang kultura sa Pangasinan, sinisira ng mga ilegalista

HINDI pa rin pala tukoy ni Pangasinan Provincial Director P/Col. Jeff Fanged ang mga tunay na pagkakakilanlan ng mga taong nasa likod ng mga ilegal na aktibidad sa may 15 bayan sa naturang lalawigan.

Sa lawak kasi ng Pangasinan na kinabibilangan ng 44 na munisipalidad at apat na lungsod, nagagawang ikubli nina alyas Jury, Alvin, Roland, Dindo, Jude, Magat, Rene, Danny, Bebot, Rommel, Dolor, Maribel at Jano ang tunay na katauhan nang maglatag ng mesa ng ilegal na sugal sa 15 bayan.

Karamihan pa sa mga operator ay gumagamit ng iisa lamang na apelyidong Ibasan para lituhin ang awtoridad gayung sa iba’t-ibang bayan naman sila gumagawa ng ilegal na aktibidad.

Kabilang na rito ang mga bayan na Pozorrubio, Brgy. 2 sa Manaog, Urbiztondo, San Fabian, Villasis, Basista, Mangatarem, Bugallon, Binmaley, Brgy. Duyong sa San Carlos, Sta Barbara Calasiao, Mangaldan, San Jacinto at Brgy. Logabiste sa Malasique.

Sa pag-upo bilang Director ng Police Regional Office (PRO) 1 ni P/BGen, Lou Frias Evangelista, posiblang unti-unti ng mahuhubaran ng maskaskara ang mga taong kumukunsinti sa ilegal na aktibidad, kabilang na rito si alyas “Santi” na kanilang protector.

Pinananatili pa naman ni Gov. Mon-Mon Guico III ang mayamang kultura ng lalawigan pero mukhang may sumisira na sa kinabukasan ng mga kabataan na nahuhmaling sa ilegal na sugal.

Maliliit na mangingisda sa Navotas, binigyan ng mga lambat

IPINAMALAS ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang pagmamalasakit sa maliliit at rehistradong mangingisdang Navoteño nang ipamahagi ni Mayor John Rey Tiangco sa kanila ang 200-metro na may walong magkakaibang laki ng lambat para sa panghuhuli nila ng isda, hipon at alimasag.

Sa pamamagitan ng Handog Lambat Program nglokal na pamahalaan, umabot sa 649 na maliliit at rehistradong mangingisda na nagmamay-ari ng bangka ang nabiyayaan ng mga lambat na pinakamahalagang gamit sa kanilang paghahanapbuhay.

Sabi ni Mayor Tiangco, prayoridad niya na mabigyan ng oportunidad na kumita ng husto ang mga Navoteños na may sapat ng karanasan sa pangingisda kaya’t kailangang mabigyan sila ng mga wastong gamit para patuloy na masuportahan ang kanilang pamilya.

Bukod nga pala sa lambat, nagkaloob din ang Navotas sa mahihirap na mangingisda ng sarili nilang bangka sa ilalim ng programant NavoBangkabuhayan. Bukod ito sa mga bangkang fiberglass na natanggap ng 56 na rehistradong mangingisdang Navoteño na tulong naman ng tanggapan ni Senator Imee Marcos.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE