Default Thumbnail

Pag-usad ng diborsiyo sa Kamara, may pag-asa ba talaga?

February 27, 2023 Paul M. Gutierrez 351 views

PaulMARAMING pagtatangka na ang ginawa upang maging legal ang diborsiyo sa Pilipinas pero nabigo ang lahat ng ito sa mga administrasyong nagdaan. Sa buong mundo, tanging Vatican at Pilipinas na lamang ang walang diborsiyo o absolute divorce.

Simple lamang kung bakit, dahil sa Katolikong bansa ang Pilipinas at malaki ang impluwensiya ng simbahan sa mga batas na ipinapasa ng ating mga mambabatas kahit na matagal nang malinaw ang separation of church and state. Malaki kasi ang pagpapahalaga sa ‘kabanalan’ ng kasal.

Pero sa maraming kwento ng pagpapakasal hindi naman talaga lahat ay nakakahanap ng tamang papakasalan. Ang dapat sana na masayang pagsasama ay nagiging panghabambuhay na sumpa para sa iba.

Ito ang dahilan kung bakit mayroong diborsiyo na inihahain ang mundo sa atin at ginagamit ng mga bansa para sa kanilang bentahe. Hindi natin iisipin na masamang bansa ang mga mayroong diborsiyo at kung makikita natin ay mga mauunlad na bansa ay mayroon nito.

Dahil kung tutuusin, bakit natin ilalagay sa hindi masayang buhay mag-asawa ang dalawang tao lalo na kung hindi na ito nagiging mabuti. Mas nauuwi lamang sa tuluyang pagkasira ng pamilya sa mas maling paraan at walang nakukuha ang naaagrabyado.

Ayon nga kay Davao del Norte 1st District Representative Pantaleon Alvarez na isa sa mga awtor ng panukalang batas, “Till death do us part, is wonderful. Marriage is beautiful. But only for those who get it right.” Tama naman. Madaling magsabi sa mga hindi nakakaranas halimbawa ng abuso sa loob ng relasyon na huwag makipaghiwalay.

Pero mukhang may iuusad ang diborsiyo matapos aprubahan ng House Committee on Population and Family relations “in principle” ang walong panukalang batas sa diborsiyo. Pagsasama-samahin ang mga ito sa isang substitute measure ng isang technical working group.

Ang tanong uusad ba talaga ito sa loob ng Kamara o maging sa Senado? Dahil alam naman natin kung paano naging mahirap at kakontrobersyal ang panukalang batas na ito. Syempre hindi mananahimik ang simbahan laban dito.

Pero sa ganang atin may panahon para sa lahat ng bagay at tingin nating napapanahon na para mapag-usapan sa mas mataas at mas malalim na antas ang diborsiyo sa Pilipinas.

Dahil para sa mga nakakaranas ng pang-aabuso sa loob ng kasal, diborsiyo ang tanging makapagsalba sa kanila. At marami na tayong narinig at nasaksihang mga pamilya na nakukulong sa mapang-abusong pagsasama dahil hindi makakawala sa kasal.

Dahil napakasalimuot ang pagpapawalambisa ng kasal sa Pilipinas. Bukod sa napakamahal na mas mahal pa yata ang gagastusin sa pagpapawalambisa kesa sa pagpapakasal ay dadaan ka rin sa butas ng karayom sa napakatagal na proseso nito.

Para sa atin mga kababayan ay napag-iiwanan na ang ating bansa sa usapin ng diborsiyo at panahon na para harapin ito at mapag-usapan. Hindi na tayo pwedeng magdesisyon sa moralidad na inihahain lamang ng simbahan. Kailangang mayroong ibang disiplina na maglalahad sa ating mas siyentipikong paliwanag kung bakit kailangan o hindi kailangan ang diborsiyo sa bansa.

Kaya naman masasabi nating isang malaking hakbang pa rin ang iniusad ng diborsiyo sa Kamara pero ang tanong hanggang saan ito aabutin?

May pag-asa ba talaga ito o papaasahin lang ulit tayo?

AUTHOR PROFILE