Default Thumbnail

Edsa ang sumaula sa bansa

February 27, 2023 Allan L. Encarnacion 315 views

Allan EncarnacionSA totoo lang, noong una, nagsisi ako bakit hindi ako nakapunta sa people power revolution nang maganap ito noong Pebrero 24-25, 1986. Nasa 4th year high school ako niyan, walang malay sa pulitika, walang malay sa anumang nangyari sa bansa.

Lalo akong nainggit nang makita ko ang picture ng nanay at kapatid ko na kasama si Butch Aquino habang katabi ang tangke sa harap ng Kampo Crame.

Pero noong nagkakaisip na ako sa pulitika, lalo na nang mag-kolehiyo, nag-iba na ang aking pananaw. Iyong dating inggit, napalitan ng “buti na lang, hindi ako bahagi ng people power!”

Lalo akong nakumbinsing tama na hindi ako umangkas sa mga taong papunta sa Edsa noong mga araw na iyon nang magsimula nang magkamali si Cory sa maraming paraan ng kanyang governance. Iyong paghahari ng kamag-anak incorporated, iyong pamumulitika at iyong vindictive politics siguro ang naging turnoff sa akin.

Marami at malaki ang tiyansa ni Cory na ayusin ang bansa pero hindi nila ginawa. Sa halip, iyong mga mali na binabanggit nila ay pinatungan pa ng mas matitinding mali at mapangahas pang mga pagkakamali.

Tsaka ko na lang naisip na maraming history ang puwede nating sabihing produkto ng mga pagkakamali or mas tama siguro, produkto ng mga makasariling pagsulat. Aminin man o hindi ng mga sumulat ng kasaysayan, ang karaniwang laman ng isinusulat nila ay bunga lang din ng kasakiman, resulta ng galit at hinugot sa mga sarili nilang paniniwala.

Ang bumali sa 37 years Edsa revolution history ay ang pagkapanalo Ferdinand Marcos Jr bilang Pangulo ng Republika sa iskor ng 31 million votes. Ito iyong nagselyo at nagpatunay na iyong mga isiniulat ng mga bulaang propeta sa nakaraang mahigit tatlong dekada ay tiningnan lang ng mga mamamayan bilang mga kasaysayang isinulat sa tubig!

Masakit ito para sa mga totoong nagmamahal sa bayan kasi marami sa kanila ay nakasangkapan din ng maling paniniwala.

Kung tutuusin, mapupuri mo rin itong si PBMM sa kanyang pagdedeklara sa Feb 24 bilang special non-working holiday. Sports din, ika nga. Disente si Junior, marunong makiramdam at marunong makibagay. Mahirap kayang lunukin na ipagdiwang ang araw ng pinagkaisahan ang kanyang tatay.

Malayong-malayo sa mga nakita nating lider na ang first order of the day pagkaupo ay burahin ang lahat ng pangalang Marcos mula sa kalsada hanggang sa mga libro. Hindi ko alam kung anong klaseng mga tao sila!

Nakakalungkot ang bansa matapos ang 37 years. Kung hindi pa naupo si former President Duterte, isang malaking basurahan na lang ang Pilipinas na tapunan ng mga kriminal at illegal drugs.

Ito sana ang maging aral kay PBMM at sa mga susunod pang lider, kalimutan na ang paghihiganti sa pulitika, kapakanan naman ng bayan ang unahin. Maawa kayo sa bansa na mauunahan na ang Vietnam na kailan lang nakatikim ng escalator!

Dahil sa mga walang malasakit na mga naupo mula sa lokal hanggang sa national position, napag-iwanan na tayo ng mga kapitbahay natin sa Asya.

Kaya huwag nyong ipamukha sa amin na Edsa people power ang nagtayo ng bansa, baka mas maniwala kami kung sabihin nating ito ang sumalaula sa ating lahat!

Edsa, hindi na kayo makakaisa!

[email protected]