Default Thumbnail

P2M alahas tinangay ng nag-iisang Akyat Bahay

February 14, 2022 Melnie Ragasa-limena 370 views

UMAABOT sa mahigit P2 milyon halaga ng mga mamahaling alahas ang natangay ng nag-iisang Akyat Bahay na nanloob sa tahanan ng isang negosyante sa Quezon City, nitong Linggo ng gabi.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Richardson Chua Hernandez, 36, businessman, at live-in partner na si Shane Patiag Baredo, kapwa residente ng 5 Brera St., Casa Milan, Brgy. Greater Lagro, Quezon City.

Sa report ni PSSg. Manuel Calampiano ng Pasong Putik Proper Police Station (PS-16) ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 8:19 p.m. (February 13), nang looban ng nag-iisang ‘di kilalang lalaki na nakasuot ng orange T-shirt, nasa pagitan ng edad 25 hanggang 30, at may taas na 5’2 ang tahanan ng mga biktima sa nasabing barangay.

Batay sa imbestigasyon ni PSSg. Calampiano, nasa lobby umano ng kanilang tahanan ang mga biktima kasama ang kanilang pamilya at walang kaalam-alam na pinasok na sila ng Akyat Bahay.

Base sa CCTV footage, nakapasok ng bahay ang kawatan sa pamamagitan ng pag-akyat sa bintana ng banyo na nasa ikalawang palapag at mabilis na tinungo ang silid ng mga biktima saka nilimas ang mga mamahaling alahas na nasa closet.

Natangay ng suspek ang ang tatlong Rolex watch brand na nagkakahalaga ng P1,700,000, assorted Jewelries gold at diamond ring, earing at neckless na may halagang P 700,000.00 na umaabot sa P 2,500,000.

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang makilala ang nakatakas na kawatan.