Default Thumbnail

P163K shabu nasabat sa tindero sa Batangas

April 29, 2023 Jojo C. Magsombol 140 views

KAMPO HENERAL MIGUEL MALVAR, Batangas – Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang isang tindero matapos maaresto sa isang buy-bust operation sa Ibaan, Batangas bandang 12:30 ng tanghali, Huwebes, Abril 27.

Ayon sa report ni Batangas Police Provincial Office (BPPO) Officer-in-Charge (OIC) P/Col Pedro D. Soliba sa bagong itinalagang hepe ng PRO Calabarzon (Cavite/Laguna/Batangas/Rizal/Quezon) Regional Director P/BGen. Carlito M. Gaces, ang suspek ay isa umanong tindero, 38, at residente ng Rosario, Batangas.

Sinabi ni Soliba na nagsagawa ng isang buy-bust operation ang kapulisan ng Ibaan Municipal Police Station (MPS) at nakarekober ng tatlong plastic sachets ng shabu na may bigat na walong gramo na nagkakahalaga ng P163,200 at buy-bust money.

Sa ngayon nasa kustodiya ng Ibaan MPS ang suspek para sa karampatang pagharap nito sa korte.

“Ang produktibong trabaho na isinagawa ng mga tauhan ng Batangas PPO ay nagpapatunay lamang na masigasig ang ating mga kapulisan sa panghuhuli ng mga lumalabag kontra iligal na droga. Hangad ng ating Pambansang Pulisya na mabawasan ang krimen na patuloy na lumalaganap sa ating bansa at mas mapanatili ang kapayapaan sa ating lipunan,” pahayag ni Soliba.

AUTHOR PROFILE